COMMUNITY

BALIKTANAW:

Mga Alaala at Aral ng Nakaraan

ARTICLE: LOVELY CAMILLE ARROCENA | JANUARY 12, 2024

“Kung maibabalik ko lang, ang dati mong pagmamahal,” HUY! ‘Di tayo gaganyan, vevs!


Pero tama nga ang sabi nila 'no? Kapag tumatanda ka na, mas masarap balikan ang mga mahahalagang alaala. Bawat aral na napupulot natin mula sa ating mga karanasan ang siyang nagiging dahilan ng pagbuo natin sa paboritong mga memorya sa kasalukuyan.


Puno man ng halakhak o iyak, siguradong may mga sandali talaga tayong pipiliin nating i-rewind. Para sa ating Pinoy Gen Zs, tila gamot ang pag-alala sa tuwing nakalilimutang lumigaya dahil sa patong-patong na responsibilidad at problema.


Sabi nga ng matatanda, “Huwag kalimutang lumingon sa pinanggalingan.” Ito ang isa sa mga katagang nagpapa-alala at nagbibigay aral sa atin mula sa nakaraan na naging sandigan ng ating mga Gen Z sa kasalukuyan. Ikaw, anong gusto mong balikan?


Rei Benson A. Bay, 20

Bachelor of Arts in Industrial Engineering | PUP


Gusto kong balikan muli ay ang mga holiday season around late 2000s. Parang ang genuine ng paparating na pasko at bagong taon, siguro kasi nga nasa kabataan pa tayo noon. Napabatid nito sa akin na kaakibat ng pagtanda ay siya ring paglawak ng ating persepsyon sa mundo, at dapat ‘di natin i-take for granted ang mga moments tulad ng kasiyahan na dulot ng kapaskuhan nu’ng mga bata pa tayo.


Danielle Margarette Caalim, 19

Bachelor of Arts in Communication Research | PUP


Ang isang alaala na pinakatumatak sa akin ay ang karanasan kong sumabak sa pagdedebate noong ako'y high school pa lamang. Kung mababalikan ko ang alaala na iyon, mainam na masiguro ko muna ano ang tanong sa amin bago magsimula sa proseso ng paghahanda.


Sa kasalukuyan, wala akong kumpyansa sa aking sarili pagdating sa pagsali sa mga debate dahil sa karanasan ko noon. [Kaya dapat] maging atentibo kapag nagbibigay ng mga panuto ang guro, magulang, o sino mang naglalahad ng mga bagay na dapat mong sundin o gawin dahil kadalasan, hindi na ulit magkakaroon ng pagkakataon na maulit ito.


Alyson Miguel Ylanan, 23

Bachelor of Arts in Broadcasting | PUP


Kung may alaala man siguro akong babalikan iyun ‘yung gabing nakilala ko si Samuel. [Dahil sa kanya,] mas naging matapang akong harapin ang bawat problema. Nakatulong din ito upang makilala ko ang sarili ko at malaman na kaya ko palang magmahal ng walang hinihintay na kapalit. Cherish every moment that you have with the person you love the most. Be happy and content with what you have, and be brave enough to face struggles while you're in a relationship.


Jacob Simon A. Mendoza, 22

Bachelor of Science in Mechanical Engineering | PUP


Noong panahong gusto ko magpari ngunit ‘di ako pinayagan—ang alaala na gusto kong balikan. Nais kong ituloy ang pagpapari kahit na labag ito sa aking magulang.

Lagi kong tinitimbang ang mga desisyon ko upang makasigurado na ako ay masaya at walang pagsisisihan sa aking napili. Ang aking mapapayo sa mas batang henerasyon ay, siguraduhin nilang gusto nila ang daang tinatahak nila upang wala silang pagsisihan.


Mary Bernitz Rudielle U. Ellopo, 19

Bachelor of Arts in Communication Research | PUP


Nais [ko] balikan mula sa aking pagkabata ay ang pagka-walang muwang sa mga nangyayari sa aking kapaligiran, ang kasiyahan na dulot ng kung ano mang nakikita sa tabi at hindi alintana ang hirap ng pamumuhay. Malaki ang naging epekto nito sa akin sapagkat sumasagi sa aking isip na sana ay sinulit ko ang mga oras na iyon, na sana hindi ko muna tinuklas ang tunay na mundo sa maagang edad upang ako'y manatili sa pagkabata.


Angel Jesseth Nadura, 21

Bachelor of Science in Civil Engineering | PUP


Nais kong balikan ay ang mga araw ng aking kabataan, kung saan naglalaro ako kasama ang mga kaibigan ko sa aming probinsya. Nakita ko ang halaga ng simpleng kasiyahan, pagkakaibigan at paglalaro dahil sa alaalang ito. Ito'y nagpapaalala sa akin na ang mga masasayang alaala ng kabataan ay may mahalagang papel sa paghubog ng aking pagkatao.


Mahalagang matuto tayong makipag-ugnayan sa ibang tao at buhayin ang saya ng ating kabataan. Ika nga, minsan lang tayo bata, kaya dapat sulitin natin ito.


Maui Jamil D. Balmaceda, 20

Bachelor of Arts in Journalism | PUP


Kung may alaala man akong nais balikan at maranasan muli, ito ay ang unang beses akong nakakuha ng karangalan sa paaralan. Bilang isang estudyante sa kolehiyo, nagsisilbi itong inspirasyon kada mawawalan ako ng gana mag-aral. Dito ako kumukuha ng lakas sa oras na ako'y napanghihinaan ng loob at sinasabi sa sariling 'kinaya ko minsan kaya't kakayanin kong muli.'


Reynan Louis Alegre, 19

Bachelor of Arts in Broadcasting | PUP


Hindi ko malilimutang alaala ay ang mga panahong dinadala ako ng aking ina sa US Embassy. Doon siya nagtatrabaho noon, at para na rin akong lumaki sa lugar na iyon. Isa sa pinaka importanteng bagay na napagtanto ko sa pag aalaala ng karanasan ko noon, ay napakabilis ng panahon. Nararapat lamang na bigyang halaga natin ang oras ang matuto tayong lubusin ang ating pagkabata.


get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon