OPINION

Basahin: Hindi na natuto!

ARTICLE: CHARLES MAGALLANES | FEBRUARY 07, 2023

GRAPHICS : MARVIN CABALHIN

PHOTO FROM THE NEW YORK TIMES

Sabi nila understanding daw ang mga Pinoy, pero bakit sa pinakabagong international assessment, isa ang Pilipinas sa pinakamahina sa pag-intindi?


Nakadidismaya at nakapapagod nang marinig na nananatiling bagsak ang mga estudyanteng Pilipino sa mga primaryang asignaturang Agham, Matematika, at Pagbasa. Ito ay batay sa markang nakuha ng mga mag-aaral mula edad 15 na kumuha ng pagsusulit ng Programme for International Student Assessment (PISA) ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) nitong 2022.


Ito ay kakambal ng sitwasyon noong PISA 2018 kung saan lumagapak sa 340 puntos ang markang nakuha ng mga Pilipinong mag-aaral, mas mababa sa 487 puntos na average. Ang malala, ito ang pinakamababa sa 79 bansang lumahok sa panahong iyon.


Sa madaling salita, walang pagbabago sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas mula taong 2018 hanggang 2022 dahil umakyat lamang sa 347 puntos ang resulta ng pinakabagong PISA survey pagdating sa reading comprehension.


Sa patuloy na pangungulelat ng bansa, sino nga ba ang hindi na natuto? Ang mga mag-aaral na kumakagat sa sistema, mga gurong alipin ng sistema, o ang mga nasa itaas na humuhulma nito?


Simulan natin sa parte ng gobyerno. Nirerekomenda ng People's Education Commission (PedCom) na upang maresolba ang krisis sa edukasyon, kinakailangan ng Department of Education (DepEd) ng isang kalihim na may lisensya at karanasan sa teaching sector. Pero hindi ba’t nanggaling na tayo rito? Ang pinalitan ng ngayo’y DepEd Chief na si Vice President Sara Duterte ay si Leonor Briones na isang propesor.


Ang mas magandang tanong dito ay kung mas lalala ba ang krisis sa edukasyon ngayong hindi naman related sa pagtuturo itong si Inday Sara partikular sa pang-akademikong sektor?


Nakasaad sa isang pag-aaral ng Assessment, Curriculum and Technology Research Centre (ACTRC) na hirap ang mga estudyante na matuto sa lumang kurikulum kung saan pinagsisiksikan ang pagkarami-raming competencies o mga dapat matutunan na hindi rin naman nagagawang ma-cover ng mga guro sa limitadong span ng pagtuturo.


Bilang sagot ng bagong administrasyon, inilunsad ng DepEd and Matatag K-10 Curriculum na nakatutok sa literacy, numeracy, at socio-emotional skills ng mga mag-aaral. Nakatakda itong isalang ngayong akademikong taon para sa Grade 1 hanggang 4 at Grade 7.


Dito inaasahang mababawasan ang mga subjects na makagagaan sa trabaho ng mga kaguruan na dati ay isinasaalang-alang pa ang reading at problem-solving skills ng mga bata, dahilan upang maging ‘overburdened’ sila sa trabaho, ayon kay Duterte.


Sa ngayon, ito ang pinakamaingay na hakbang na nagawa ni Duterte bilang bagong kalihim ng DepEd. Epektibo ba ito? Malalaman natin ‘yan sa mga susunod na mga pagsusuri na isasagawa sa loob at labas ng bansa.


Sa parte ng kaguruan, simulan sana ng gobyerno na bigyan ng sapat na sweldo ang mga ito na tugma sa kanilang workload na matagal na nilang daing.


Dapat ding mabigyang-pansin ang unti-unting pagbabago ng paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral upang masabayan din ito ng mga kaguruan ng bansa. Bigyan sila ng kalayaan sa paraan ng pagtuturo at magkaroon ng inisyatibo na ipaalam sa kanila ang mga trends at modernong teaching methods.



Pagdiin ng naturang pandaigdigang institusyon, hindi ginagarantiya ng presensya ng mga mag-aaral sa loob ng silid ang kanilang pagkatuto. Sa madaling salita, ang attendance ng mga bata ay hindi nangangahulugan na matutututo sila kung patuloy ang pagkalam ng kanilang sikmura o ‘di naman kaya, nakababad ang kanilang mga paa sa baha.


Samakatuwid, sanga-sanga ang problema ng Pilipinas na patuloy na humahatak sa kalidad ng edukasyon sa bansa. Nakalulungkot at nakadidismaya. Pero ang punto, ito ang pinakadahilan kung bakit mas kailangan ng bansa at, higit sa lahat, ng mga bata ang maaasahang mga pinuno ng edukasyon na kinikilala ang krisis at may konkretong plano para sugpuin ito—kumbaga may paninindigan.


Sa huli, babalik lang naman tayo sa tanong na sino ba ang talagang hindi marunong umintindi? Silang mga hindi pumasa sa PISA o silang mga namimihasa?

next arrow icon

get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon