OPINION

Binuhay ng Gutom

ARTICLE: DARREN WAMINAL | JANUARY 17, 2024

ILLUSTRATION: DARREN WAMINAL

Mahigit 13 milyon na batang Pilipino ang nakararanas ng pagkagutom dulot ng matinding kahirapan, ayon sa tala na inilabas ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).


Hindi maitatanggi na isa ang kahirapan sa mga dahilan kung bakit hindi natatamasa ng mga batang Pilipino ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Dahilan kung bakit 95 na bata sa Pilipinas ang namamatay kada araw dahil sa malnutrisyon, at 17 sa 1,000 batang Pilipino naman ang hindi umaabot sa kanilang ikalimang kaarawan.


Sa likod ng bawat musmos na may kumakalam na sikmura, kaakibat nito ang kanilang malabnaw na kinabukasan. Matindi pa sa sakit ng kumakalam na tiyan ang buhayin ng gutom mula sa mga hindi makataong pagkaing inihahain ng gobyerno’t kahirapang naisusubo ng kanilang mga magulang.


Ayon sa tala ng Statista noong 2022, pumapatak ng halos 30% sa kabuuang bilang ng populasyon ng Pilipinas ang mga batang may edad 15 pababa. Bumaba ang bilang ng mga kabataan kumpara sa 33% na tala noong 2013.


Sa kabila nito, hindi rin maikakaila ang pagtaas ng kaso ng malnutrisyon sa mga kabataan. Naitala sa Second Quarter 2023 Social Weather Survey (SWS) na 10.4% ng mga pamilyang Pilipino ay nakararanas ng involuntary hunger. Mas mataas ito kumpara sa 9.8% noong Marso at mas mababa naman ito kumpara sa 11.8% noong Disyembre 2022.


Patuloy pa ring lumolobo ang presyo ng bilihin at patuloy rin nitong nalilimitahan ang kakayanan ng isang maralitang pamilyang magkaroon ng pribilehiyong maibsan ang kanilang gutom at maghain ng sapat na pagkain sa hapag. Ninanakaw nito ang karapatan at pag-asa ng mga batang magkaroon ng magandang kinabuksan dahil sinanay silang mabuhay sa gutom.


Noong nakaraang taon, sinubukang labanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inflation sa bigas. Nagsagawa ng mga hakbang ang gobyerno ukol dito kabilang ang paglalagay ng rice price caps at pagpapatupad ng mas mahigpit na patakaran sa pananalapi.


Ngunit tumagal lamang ng halos isang buwan ang tila ginawang eksperimento sa presyo ng bigas. Lumabas itong palpak matapos sumipa muli sa 17.6% ang presyo ng mga ito noong Setyembre 2023.


Kung susumahin, direktang nakaaapekto sa mga bata kung ang isang pamilya ay nakararanas ng matinding pagkagutom. Malaki ang dulot nito lalo na sa kanilang paglaki. Maaari ring maapektuhan ang kanilang pag-aaral kung sila ay papasok sa paaralan nang butas ang sikmura.


Ayon sa pinakabagong ulat ng Unilab, ang malnutrisyon ay nananatiling seryosong problema sa bansa sa loob ng halos 30 taon, kung saan 3.6 milyong batang edad lima pababa ang kulang sa timbang o hindi akma ang timbang sa kanilang edad.


Sinabi rin ng kompanya na ang mga batang nakaranas ng hindi maayos na pagpapalaki sa loob ng 1,000 na araw mula nang pagkasilang ay may mataas na tiyansang magkaroon ng problema sa pagpapalawak ng kanilang kaisipan na maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanilang edukasyon, trabaho, at pagiging produktibo.


Ang pamumuhay sa isang bansang laganap ang malnutrisyon ay patunay lamang na ang ilan sa mga magulang ay kakarampot lamang ang kaalaman at kakayahan upang bigyan ang kanilang anak ng tamang nutrisyon. Marahil isang rason din ang kahirapan na tila pumipigil sa pagpapalaki at pagpapalusog ng isang bata.


Sa kabila ng limitadong mapagkukunan ng pagkain at sa tumataas na presyo ng mga bilihin, iminungkahi ng mga eksperto ang ilan sa mga alternatibong paraan upang mabigyan ng tamang nutrisyon ang mga bata.


Karamihan sa mga ito ay ang pag-eehersisyo, pagkakaroon ng mga pisikal na aktibidad sa loob ng tahanan, hand hygiene upang maiwasan ang anumang sakit na maaaring makuha sa mga dumi, at ang paglilinis ng mga utensils o mga ginamit na baso at pang-luto upang maiwasan ang food contamination.


Sa mga paraang ito, maaaring labanan ng mga magulang ang gutom at malnutrisyon na maaaring dumapo sa isang bata. Hindi na dapat buhayin ng gutom ang bawat musmos na napipilitan na lamang itago ang kalam ng sikmura at kakulangan sa ginhawa.


Ngunit kung ugat ang tutugunan, mga magulang nga ba ang problema sa lumalalang isyu ng malnutrisyon sa bansa o ang kahirapang danas na sa matagal nang panahon?

get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon