Childhood Scrapbook:
Mga Pahina ng Alaala
WORDS: Edwynne Lucy Guarin | January 15, 2024
ILLUSTRATION: RENZO CABITLADA
Hindi natatapos ang linggo nang hindi ko naiisip kung gaano kadalisay ang panahon ng pagkabata. Kahit nasa wastong gulang na ‘ko, sariwang-sariwa pa sa aking isipan ang mga sandali ng pagka-inosente at kamusmusan na inaasam kong balikan. Gusto ko mang gumamit ng time machine, hindi naman p’wede at wala pang naiimbentong gano’n. Maibabalik ko lang ito sa pamamagitan ng pagbuklat ng lumang scrapbook na gawa ni Mama, kung saan tumulong akong maglagay ng iba’t ibang disenyo no’ng bata pa ‘ko.
UNANG PAHINA: Ang Aking Unang Field Trip
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Hindi sapat ang salitang excited para ilarawan ang naramdaman ko noong araw na ito. Kasama si Papa, halo-halong kaba at saya ang nangingibabaw habang paakyat pa lang ako ng bus hanggang sa pagtahak ng mga destinasyon. Syempre, hindi mawawala ang Enchanted Kingdom—ang huling destinasyon. Dito ako pinakanatuwa dahil walang halong aral at tour guide na kailangang sundan. Pipilahan niyo lang ang rides na gusto niyo at oorasan niyo lang ang mga sarili dahil baka maiwan kayo ng bus.
IKALAWANG PAHINA: Happy Birthday, Merry Christmas, and Happy New Year!
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Ang mag-birthday, pasko, at bagong taon ang pinaka-inaasahan kong mga okasyon dati. Sobrang kasiyahan ang nararamdaman ko kapag naiisip kong may cake at iba pang handa, at imbitado ang mga kalaro’t kaibigan ko. Pero, hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay may bonggang handaan. Minsan, maliit na salo-salo lang, ayos na, basta’t nagdiriwang kasama ang pamilya.
IKATLONG PAHINA: Hatid Sundo ni Mama’t Papa
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Isang core memory raw ang maihatid sundo ng mga magulang no’ng bata pa tayo—at hindi ito mali. Hinding-hindi ko malilimutan ang pag-iyak ko no’ng kaunti na lang ang tao sa school habang naghihintay pa rin ako ng sundo. Tumatak din sa ‘kin ‘yung mga unang araw ng aking pag-aaral na ayaw ko pang humiwalay kay Mama dahil hindi ko pa kayang mag-isang pumasok sa school.
IKAAPAT NA PAHINA: Ang Luma Kong School Uniform
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Tuwing nakakikita ako ng batang nasa elementarya na suot-suot ang kanyang uniporme, hindi ko maiwasang maisip ang mga panahong suot ko rin ang akin. Naalala ko, ang huling kita ko sa pambatang uniporme ko ay no’ng high school pa. Sabi ni Mama, pinamigay na namin ‘yon kasi wala naman nang gagamit. Sa isip-isip ko, ayos lang naman dahil may isang bata ulit na bubuo ng mga panibagong alaala habang suot ang lumang school uniform ko.
IKALIMANG PAHINA: School Ground = Play Ground!
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Noong bata ako, hindi natatapos sa loob ng tahanan ang aking paglalaro. Sa paaralan, lalo na kapag wala nang klase at kasama ko ang mga klasmeyt na naging kaibigan ko rin, naglalaro kami ng taya-tayaan sa loob ng silid-aralan—hanggang sa labas. Hindi namin alintana ang ibang tao kapag naglalaro kami, dahil sa iisang dahilan: masaya at malaya kami.
IKAANIM NA PAHINA: Ang Dati Kong Diary
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Sino bang bata ang hindi nagkaroon ng diary? May iba’t ibang design pa ‘yan—Disney Princess, Barbie, SpongeBob, Spider-Man, at kung ano-ano pang makukulay na disenyo at kilalang kartun. Araw-araw akong may entry at ang karamihan sa nilalaman nito ay ang mga paglalaro ko, mga liham sa kaibigan ko, at mga araw na naglalabas ako ng sama ng loob.
IKAPITONG PAHINA: Ang Sabado’t Linggo ng Isang Bata
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
PHOTO: EDWYNNE LUCY GUARIN
Ang mga paborito kong araw ay Sabado at Linggo. Bukod sa hindi ako papasok sa eskwelahan ay p’wede akong maglibang nang walang iniintinding iba. Kung mamamasyal man, maiyayabang ko ang paborito kong bestidang pang-alis.
Tuwing Sabado ng umaga, walang palya akong sinasama ni Mama mamalengke. Bilang isang batang puno ng kuryosidad, lagi kong pinagmamasdan kung paano mamili si Mama ng sariwang karne, isda, at gulay—kung paano niya ito iabot sa tindera, kung paano ito ihanda, at ibalik ng naka-plastik na. Kapag Linggo, buong pamilya kaming nagsisimba para magpasalamat sa araw-araw na biyaya. Bilang bata, ang pinakatumatak sa akin ay ang amoy ng simbahan—ang aroma ng sampaguita. Tuwing napaparaan, ibinabalik ako ng halimuyak nito sa nakaraan.
Pagkatapos kong buklatin ang childhood scrapbook ko, hindi ko mapigilang maluha nang bahagya—luhang may halong lungkot at saya, dahil ang tanging paraan upang balikan ang masasayang nakaraan ay ang tingnan ang mga lumang larawan. Hindi ko maiwasang isiping iba pa rin talaga ang saya no’ng ika’y bata pa.