Feeling Hayskul:

Samu’t Saring Slangs

ARTIKULO: CARLO CABANLIT | FEBRUARY 13, 2024.

Kasabay ng paglipas ng panahon, sumasabay sa agos ang pagbabago ng wika, bokabularyo, at ekspresyon nating mga Pilipino na mas pinalawak ng teknolohiya at internet.


Mula noon hanggang ngayon, may mga salita’t ekspresyon na tumatak sa ating mga isipan na may kaakibat na alaala ng nakaraan. Kaya naman, for today’s videow, tara na’t mag-feeling hayskul at balikan ang mga sikat at nausong ekspresyon noon!


Charot


Sino bang hindi gumagamit ng ‘charot?’ Ito na yata ang pinakasikat at gasgas na slang word na siyang pinaarteng “just kidding” ng mga Gen Z. Isang salita mula sa beki “gay lingo” na ginagamit para mapagaan ang isang seryosong diskusyon.


Sa paglipas ng panahon, nagkaroon din ito ng iba pang variations gaya ng “chariz,” “charaught,” at “char.”


“Bawal ako humarot, magagalit si ano. Charot!”


“Teh, ilan score mo? Perfect ako. Chariz!”


Ilang taon na ang lumipas mula nang sumikat ang ekspresyong ito ngunit hindi pa rin ito nawawala sa sistema ng mga Pilipino dahil hanggang ngayon, lagi pa rin itong sinasambit upang maging mas magaan at nakakaaliw ang bawat usapan.


Edi Wow!


Naalala mo pa ba ‘pag may kaaway ka pero wala ka nang ibang pang-rebut kundi “edi wow?” Kapag asar talo ka na at wala ka nang masabi sa isang argumento, si “Edi wow!” ang automatic kasangga mo.


“Palibhasa kasi bente lang baon mo, e!”


“Edi wow!”


“Kamukha ko si Jungkook.”


“Edi wow!”


Kasi naman, ano pa nga bang iba nating maisasagot sa mga gan’yan, ‘di ba? Pero mag-ingat lamang at ‘wag gagamitin ang ganitong ekspresyon sa mga seryosong diskusyon. Tiyakin nating matatanggap ng kausap at kabiruan ang “edi wow” upang maiwasan ang away at hindi pagkakaintindihan.


Mama mo!


Alam natin na ang ibig sabihin ng “mama mo” ay “your mother” pero wala naman talagang hatid ang ekspresyong ito kung hindi inisin tayo.


“Mama mo blue,” mapapaisip ka kung anong connect?


“Mama mo halaman,” paalala ko na ang Mama ko ay Mama mo rin. Magkapatid tayo.


Baka nga hanggang tumanda tayong lahat, hindi pa rin mawawala ang “mama mo” bilang pang-inis sa mga kaibigan, mga kapatid, o kahit sa mama mo rin.


Guys, respeto naman!


Isa ka ba sa mga nanahimik tulad ko matapos marinig ang linyang ito? Kung oo, mabuti naman dahil galit at pagod na si Class President.


“Guys, respeto naman!” sabay may mga lalapit na kay President para mag-abot ng tubig, magsuklay ng buhok, at maghagod ng likod. Mga sipsip? Huy!


Nakakatuwa kung babalikan dahil nagsilbing aral ito sa ating mga estudyante na magkaroon ng respeto sa kapwa tao. Ngunit hindi lang sa sitwasyong iyan ginagamit ang linyang ito. Dinurugtungan din ito ng iba’t ibang salita o sitwasyon gaya ng “Guys, respeto naman sa mga single.” Sino relate dyan?


Pendong! Peace, may kalbo!


Katulad ko, nakalabit o nakaltukan ka na ba sa ulo at hindi makaganti dahil naka-peace sign siya? Wala tayong magawa ‘di ba? Akala mo’y natanggalan ng lakas at sinisisi na lamang sa dumaang kalbo ang nangyari.


Malalaman mo talaga kapag Pilipino ang may nakitang kalbo:


Ibang bansa: Nice look!

Pilipinas: Pendong! Peace, may kalbo!


Likas na malikhain ang mga Pilipino lalo na ang mga Gen Z kaya naman kung ano-anong mga ekspresyon ang kanilang nabubuo. Lagi’t laging makahahanap ang mga Pinoy ng mga pananalitang mas makadaragdag sa saya ng bawat pag-uusap.


Ilan lamang ito sa mga ekspresyon na bumuo sa ating high school days at bitbit pa rin natin hanggang sa pagtanda upang maging mas masaya ang bawat kwentuhan o inuman. Ikaw, anong paborito mong ekspresyon noon?







get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon