COMMUNITY
From Me To Me: Munting Liham para sa Munting Nangarap
BY MARIAN PALO AND MAXINE PANGAN | DECEMBER 31, 2023
LAYOUT: MAXINE PANGAN
Noong 2000s, marahil makapaglaro lamang ng sandamakmak na laruan ang iyong pangarap. Noong 2016, marahil nagnais ka namang makapagtapos bilang top achiever sa school at magpakayaman upang makabili ng bahay para sa iyong mga magulang. At nitong 2023, marahil ang tanging new year’s resolution mo na lamang ay maging masaya lalo na’t maraming panahon ang naaksaya noong sumailalim tayo sa pandemya.
Gayunpaman, anuman ang naging munting pangarap ng munting ikaw, nananatili sa ating loob ang hiyaw ng ating kabataan. Pagsapit ng alas dose sa unang araw ng 2024, kasama sa putukan ng fireworks at ingay ng torotot ang alaala ng batang ikaw na tumanglaw sa paligid at naghangad ng maliwanag na kinabukasan.
Sa pagsalubong ng bagong taong puno ng panibagong mga pananaw, pangarap, at resolusyon, lumingon tayo sa ating nakaraan. Kasama ang chief editors at advisers ng tatlong volume ng iCommunicate ngayong academic year 2023-2024, saksihan natin ang mga alaalang minsan nilang pinanghawakan.
Ikaw, kung lilikha ka ng liham para sa batang ikaw, ano ang mensahe mo para sa kanya, sa mga pangarap niya, at sa mga naging new year’s resolution niya? Tara’t kausapin natin siya bago tuluyang suungin ang 2024 nang may panibagong lakas at pag-asa!
John Robert de Castro
Editor-in-Chief, Kolorete
Hindi pala ganito kadali yung buhay tulad ng inaasahan natin. Punong-puno pala ng pagsubok, pangamba, at laging walang kasiguraduhan—pero sa kabila ng mga ito, natuto tayo mabuhay sa gitna ng mga alintana, natuto tayong mangarap sa kabila ng pangamba, at natuto tayong bumangon sa ragasa ng mga problema.
Magkaibang tao na tayo kung titignan, pero sa kaibuturan bitbit ko pa rin yung pag-asang parehas at sabay nating binuo, yung mga pangarap na minsan nating inasam na maabot, at yung buhay na minithi natin para sa sarili at mga taong nakapaligid sa'tin.
Hindi ko na tanda kung anong pinangako natin sa tuwing sasapit ang bagong taon bukod sa mag-ipon at maging mabuting tao, pero ngayon, kung may ipapangako tayo sa sarili natin 'yon ay maging matatag sa kahit anong pagkabigong kakaharapin natin. Tuloy-tuloy lang!
Marilag Odtohan
Managing Editor, Kolorete
Growing up with a queer heart, I know na marami kang takot—maliitin, tawaging baklitang talunan, at lalo ang 'di matanggap. You found refuge inside the closet, it became your safe space. Hanggang sa paunti-unti, sinubukan mong rumampa palabas ng kloseta. Nagkabit ng mga burluloy, abubot na hair clips, at iba't ibang kolorete sa mukha. Ang bawat taon na nagdaan ay isang patunay sa tapang at mga pagtatangka na sumuong, kahit minsan ay masalimuot ang paglalakbay. May mga pangarap na nabitawan, binitawan, at nananatiling kinakapitan. Lahat ng mga 'yon, naging bahagi ng sarili mo—sa bawat pagkawasak at muling pagkabuo. Sa bawat new year's resolution, laging laman no'n 'yung pagnanais na sumubok ng mga bago. It's okay kung 'yung iba nakamit mo na, hindi na talaga, o umaasa pa. Hindi naman natin kailangan madaliin ang mga bagay-bagay na puwede namang dahan-dahanin.
Palagi akong hanga sa katatagan mo na umusad, lalo na sa pagbuo at paglaban ng mundo kung saan ang maraming baklita—tinatanggap, malayang nagmamahal at minamahal, at 'di palaging talunan. Sana hanga ka rin sa akin, dahil ilang entablado na rin ang narampa't ilang korona na rin ang naiuwi. Salamat dahil hindi ka nagpakain sa takot; salamat dahil nakita mo ang takot na imbitasyon para mas lalong magpatuloy.
Patricia Lanzagarita
Editor-in-Chief, Tw!nkle
Kung susulatan ko ng isang liham ang batang ako ay sasabihin kong panatilihin niya ang pagmamahal niya sa pagsusulat. Bagaman may mga sumusubok sa pangarap niya, huwag siyang titigil dahil isa ito sa mga magiging daan upang malaman niya ang mas malaking dahilan ng hilig na ito: ang makapagserbisyo sa bayan at mamamayan.
Para naman sa kanyang mga pangarap, may mga ilan man sa mga ito na hindi natupad o hindi umayon sa kagustuhan niya, sasabihin ko na magpatuloy lamang siya dahil may mga bagay siyang natanggap na mas maayos at mabuti kaysa sa mga gusto niya. Huwag niyang hayaang patayin ng pagkakamali at maling akala ang abilidad niyang mangarap, ipagpatuloy lang niya ito.
Hindi ko madalas natutupad ang mga new year's resolution ko kaya madalas mantra na lang ang inihahanda ko tuwing bagong taon and I find it interesting dahil nama-maintain ko naman iyon most of the time. So for this year, I want to remind myself that every challenge that I will and I am facing is an opportunity for me to learn and grow.
Chris Burnet Ramos
Managing Editor, Tw!nkle
It's 2024! Para sa batang si Burnet na walang alam sa reyalidad ng mundo at sa tatahaking landas ng buhay, okay lang 'yan. Isa o dalawang dekada pa'y 'di mo na makikilala ang sarili mo. Alam kong naging mahirap sayong sumabay sa hampas ng mga alon, pero dahil nanatili kang mausisa't palatanong, may naghihintay sayong liwanag.
Madalas kang mapapagod sa sunod na mga taon ngunit may sasalubungin ka ring ngiti at yakap. Sa likod ng malakas mong tawa, may mga araw ring ganiyan kalakas ang daloy ng luha mo. Pero okay lang 'yun. Ikaw pa? Marami ka pang iiyakan pero mas marami kang bubuuing dahilan para ngumiti at lumaban.
Sa bawat palit ng taon, may makikila kang mga bagong tao. Yung iba sa Mamburao, yung iba sa Maynila. Bukod sa mga tao, may mga pangarap ka ring masasalubong; pero hindi lahat 'yun matutupad. Tugon: okay lang 'yun. Tandaan mong ang bawat bagong taon ay bagong pag-asa para matuto, umunlad, at kilalanin ang sarili mo. Tiwalang makakarating ka rin. Maaabot mo 'yan lahat, Chris. Ikaw na ‘yan.
Camille Angela Zarate
Editor-in-Chief, Hibsay
Marami kang hindi nagagawa sa mga nakalista sa new year's resolution mo kada sasapit ang panibagong taon, pero marami ka rin namang nagagawa na wala sa listahan mo at hindi mo akalain na kaya mo pa lang gawin, kaya proud ako sa'yo.
Hindi mo man natahak ang landas na gusto mo noon, ayos lang kasi masaya ka naman sa narating mo ngayon (sana). Iyon naman ang mahalaga, masaya ka sa tinatahak mo at sa patuloy na pag abot sa pangarap mo.
Sa bawat taon naman, ang hiling mo lang ay maging masaya. Kaya sa panibagong taon na darating, hangad ko para sa'yo ang tunay na kaligayahan na inaasam mo.
Precious Altura
Managing Editor, Hibsay
Ooh, wala pang alas dose tumatalon ka na! Maaraw pa pero panay na ang pagpapaingay ng torotot niya!
Ganyan nga, salubungin mo ang bagong taon nang maligalig at kasama ang buong pamilya. Galingan mo rin sa pag kuha ng mga barya ah. At tumalon ka ng napakataas kahit na hindi naman talaga ito nakakatangkad. Pero malay mo, dumating ang araw na titingalain ka rin; hindi dahil matangkad ka na, pero dahil sa mga matatayog mong nagawa.
Bata, patuloy kang mangarap at ‘wag ka sanang mapagod na maniwala—ako na ang bahala sa mga new year’s resolutions mo. Magugulat ka na lang na sa mga susunod na pagsalubong natin sa bagong taon ay nakarating na tayo sa pangarap na paroroonan. Puhon
Maligayang bagong taon!
Jairo Bolledo
Adviser, iCommunicate
Nais kong malaman mo na matutupad mo lahat ng pangarap mo. Gagamitin mong pagkakataon ang mga darating na bagong taon para lalo pag-ibayuhin ang iyong talento at pagkatao.
Ipagpatuloy mo lang, nasa tamang landas ka. Maraming pagsubok kang kakaharapin. Hindi sila madali, pero kakayanin mo dahil pinalaki kang malakas.
Ang dapat mo lang gawin ay kumapit at magtiwala. Marahas ang mundo, ngunit mabuti ang mga taong nakapaligid sa'yo. Gamitin mo itong lakas para harapin ang mga susunod na bukas.
Cherry Pebre
Adviser, iCommunicate
Mensahe ko sa batang ako, maging matatag sa magiging hamon ng buhay dahil hindi sa lahat ng panahon puro saya at tagumpay. may panahon ng lungkot at pagkatalo, dapat sa mga ganitong panahon matuto siyang lumaban, bumangon at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sapagkat, ito ang magiging sandata nya sa pakikipaglaban sa buhay. Pangalawa, magtiwala na ang buhay ay may kanya kanyang tamang panahon ayon sa kalooban ng Maykapal.
Pagdating naman sa new years resolution… wala in particular. Siguro, maging masaya pa sa buhay, love myself more.