Gen Z ‘wannabe’ parent: Pagtuturo ng SOGIE sa murang edad

ARTICLE: CARLO CABANLIT | FEBRUARY 17, 2024.

LAYOUT: RAFAELA ABUCEJO

Ang SOGIE ay nangangahulugang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression. Ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng inklusibo at pagkakakilanlan ng isang tao.


Karamihan sa mga Pilipino ngayon ay hindi lubusang mulat sa kung ano ang nais ipahayag ng SOGIE. Kaya naman, para sa mga Gen Z na gustong magkaroon ng anak, mahalaga na maituro agad ito upang sila ay lumaking may respeto sa kapwa at may kaalaman ukol sa kahalagahan ng pagkakakilanlang sekswal ng mga tao sa kanilang paligid.


Stigma at diskriminasyon


Samu’t saring diskriminasyon ang natatanggap ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community dahil sa kanilang kasarian. Nariyan ang pagtawag sa kanila ng ‘salot sa lipunan,’ ‘malas,’ at marami pang iba.


Para kay Mae, 22 taong gulang na gustong magkaanak, mahalaga na ituro sa mga bata ang kahulugan ng SOGIE para maiwasan ang stereotypes pagdating sa usaping ito.


“Sobrang halaga na maituro ang SOGIE sa mga anak o magiging anak. Personally, hindi ako naturuan about it, na-discover ko lang [ang] true meaning niyang [SOGIE] ngayong matanda na ko,” aniya.


Lumaki si Mae sa isang tradisyunal na pamilya kung saan ginagamit na insulto ang kasarian. Kung nakikita nilang malambot gumalaw ang isang lalaki, iisipin nilang bakla na ito. Kapag maangas at siga ang galawan ang mga babae, sasabihin nilang tomboy ito.


Nararapat na matuldukan ang stigma at diskriminasyon na nagpapababa sa antas ng komunidad. Sa kasalukuyang henerasyon, ang pinakaunang dapat makaintindi sa mga ganitong konsepto ay ang mga bata.


“Walang mali kung malambot o matigas ka, magdamit ka ng pambabae o panlalaki kahit ‘di siya naaayon sa nakasanayan ng society, go! Sabi nga nila ‘you do you’. Sana ayon din ‘yung ma-inculcate sa mga anak at magiging anak in the future,” dagdag pa ni Mae.


Kamulatan at tamang impormasyon


Ang karaniwang maling akala ng mga tao ay para lamang sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community ang SOGIE ngunit kung pag-aaralan ito ay malalaman nating lahat ng tao ay mayroon nito, babae ka man, lalaki, o miyembro ng nasabing komunidad.


Hindi rin kasama sa probisyon ng ipinapanukalang SOGIE Equality Bill ang same-sex marriage ngunit binibigyang importansya nito ang pagpaparusa sa mga hindi nagbibigay ng lisensya o mga pampublikong dokumento dahil sa kasarian ng isang tao.


Si Leslie, isang transgender woman, ay nagnanais din umanong bumuo ng isang tahimik at ligtas na pamilya. Para sa kaniya, ang pagkakaroon ng malalim na kaalaman at pang-unawa hinggil sa SOGIE sa murang edad ay makatutulong upang malaman ang pagkakaiba ng ‘sex’ at ‘gender identity’ ng isang tao.


“Sa pagtuturo ng SOGIE, malalaman ng isang tao kung paano i-address ang kapwa tao sa pamamagitan ng pag-aaral sa lahat ng [nasa] gender spectrum under gender identity. Kapag ang mga bata ay properly guided with enough information, respect and acceptance will be served,” wika ni Leslie.


Dagdag pa niya, sa henerasyon ngayon ay maraming mga haka-haka sa isyung ito dahil sa kakulangan ng impormasyon at kaalaman na siyang nagdudulot ng gender discrimination at dysphoria.


Karapatan at proteksyon


Dekada nang nakabinbin ang SOGIE Equality Bill na naglalayong bigyan ng pantay na karapatan ang bawat indibidwal anuman ang kanilang SOGIE.


Kaya habang umuurong ito sa kongreso, mahalagang maunawaan ng mga kabataan ang proteksyong dala ng batas ng ito laban sa diskriminasyon sa mga pampublikong espasyo, trabaho, at lalong-lalo na sa paaralan.


Mahalagang maunawaan ng bawat isa, lalong lalo na ng mga bata, ang benepisyo at importansya ng SOGIE upang lubusang maging payapa ang pakiramdam at pamumuhay ng isang tao.


“Sa pag-unawa sa SOGIE, mas magiging makatarungan ang pakikitungo sa lahat ng tao, at nabubuksan ang pintuan para sa pantay-pantay na karapatan at oportunidad. Ang pagtanggap sa SOGIE ay nagtataguyod ng mas mapayapang lipunan kung saan ang bawat isa ay malaya at nirerespeto sa kanilang sariling pagkakakilanlan,” pahayag ni Tine, isa ring Gen Z.


Bukod sa pagmamahal at kalinga, mahalagang mapunan ng kaalaman ang bawat bata ng mga impormasyong makatutulong sa kanilang pagtanda. Nararapat na sila’y mahubog na may respeto at paggalang sa kapwa tao anuman ang kasarian at estado nito sa buhay.


Sa bahay nagsisimula ang lahat ng pagkatuto. Kaya’t nararapat lang na maturuan ang mga kabataan hangga’t nasa murang edad pa sila upang sa gayon ay malinaw ang pagtingin nila sa mundong patuloy na nagbabago.

get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon