Katutubong Kabataan: Pilipino at Palestino sa giyera kontra karahasan


ARTICLE: Charles Magallanes | february 5, 2024.

PHOTO: Charles Magallanes/ Twinkle

Nakiisa ang mga kabataang katutubo sa naganap na solidarity night para sa Palestine sa UP Diliman, Disyembre 7 upang ipanawagan ang parehong opresyon na kanilang natatamasa sa bansa. | via Charles Magallanes


Pinapalayas sa sariling lupain, hinaharas, at binobomba. Marahil dulot ng mga salitang ito ay sumagi sa isipan ninyo ang kasalukuyang digmaan sa Gaza. Pero hindi, ito ay eksena sa loob ng bansa na kung saan ang dehado ay ang ating mga katutubo.


Kung magpapatuloy ang mga ganitong pangyayari, paano na lamang ang mga kabataang katutubong biktima ng mga opresyong ito?


Sa punto de vista ng kabataang Lumad


Isa sa pinakabagong tala ng pagpatay sa mga gurong lumad ay ang kaso ni Rowe Libot nitong July 27, 2023 na ayon sa Save Our Schools (SOS) Network ay pinaslang umano ng mga army soldiers sa isang remote village sa Kalamansig, Sultan Kudarat.


Sa panayam ng Twinkle sa Lumad na si Angel Fuerte, 21, hindi raw malayo ang nararanasan nila sa bansa sa kasalukuyang giyera sa Gaza dahil magmula pa sa mga una nilang mga henerasyon ay ganito na ang sitwasyon sa kanilang mga komunidad.


“Iyong mga paaralan namin ay binobomba rin, ‘yong paaralang Lumad at marami sa mga teachers namin ang pinatay at may mga kinulong na mga lider at teachers din. Hindi rin ligtas ‘yong mga estudyante sa Lumad school na mayroong pinatay at mayroon ding dinakip,” saad ni Fuerte.


Hinaing pa niya, hindi umano sila nabibigyan ng estado ng mga primaryong mga serbisyo katulad ng edukasyon at pangkalusugan. Dulot nito, nagsimula ang kanilang komunidad ng mga inisyatibong tutugon sana sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.


“Nagkaroon kami ng initiative na tugunan ‘yong pangangailangan namin pero ‘yong ginawa ng estado mismo ay winasak ‘yong mga nasimulan namin. Para sana kami na mismo ‘yong tutugon sa responsibilidad sana ng estado.” dagdag pa niya.


Orihinal na nakatira ang mga Lumad sa Timog Mindanao na kinakatawan ang 18 na etnikong grupo. Kanilang tinanggap ang terminong ‘Lumad’ noong 1986 bilang pagkakakilanlan at para isulong ang kanilang determinasyon para sa kanilang ancestral lands.


Naging malaking banta ang militarisasyon at malalaking korporasyon sa kanilang mga lupain dahil madalas nilang tinatarget ang mga ito upang gawing minahan. Dahil dito, nabuksan ang kaliwa’t kanang pananamantala sa likas na yaman sa kamay ng multinational na mga korporasyon para sa mga produktong tulad ng palm oil, saging, goma, at pinya.


Upang hindi mapag-iwanan ang mga kabataan, nagtayo ang Lumad ng mga paaralan. Ngunit di pa man nagtagal ay inutos ni dating pangulong Duterte ang pagsasara ng mga ito na nagdulot ng karahasan at pang-aapi sa mga gurong Lumad, kasabay ng bantang pagbomba sa kanilang mga lugar.


Pangha-harass sa mga Lumad


Ayon sa SOS Network, nagpatuloy ang pangha-harass sa mga Lumad hanggang noong pandemya at ang naging pangunahing target nito ay ang mga paaralan. Dulot nito, umabot na sa mahigit 178 na mga Lumad na paaralan ang naipasara noong taong 2016 hanggang 2020.


Ang mga Lumad ay nahaharap sa kasaysayan ng karahasan, extrajudicial killings, at militarisasyon sa Mindanao. Marami sa kanila ang nais tumakas mula sa mga overcrowded na evacuation centers kung saan sila ay naiipit sa masamang kalagayan at pang-aapi. Sa kasalukuyan, ang sitwasyon ay nananatiling isang kritikal na isyu sa karapatang pantao.


“Bilang tao mismo, sana ay makiisa hindi lang pupunta doon para lang humawak ng mga panawagan kun’di lalahok mismo sa mobilisasyon, lumahok sa mga panawagan, at genuine, totoo na nakikiisa talaga doon sa pagpapalaya ng mga Palestino, sa mga panawagan mismo nila,” paghimok ni Fuerte.


Para naman kay Funa-ay Claver, 22, ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, ang digmaan sa Gaza ay hindi laban para palayain ang mga Palestino kung hindi palayain ang ating mga sarili.


“Ang aming pagkakaisa ay lagpas pa sa pakikiisa lamang dahil sa mga nangyayari sa kanila kun’di nakikiisa kami kasi alam namin ‘yong karanasan nila, nararamdaman din namin ‘yong nararamdaman nila, at ‘yon ‘yong kanilang paglaban ay nakakapagpalakas din ng aming paglaban. Isa silang inspirasyon para sa aming mga katutubo,” ani Claver.


Sa patuloy na laban ng mga katutubo kontra opresyon mula sa sarili nitong gobyerno, malinaw na ang pinaka biktima nito ay ang mga kabataan na napagkakaitan ng karapatan sa seguridad at matiwasay na pamumuhay.


Sa halip na nilalasap ang oras ng kanilang kabataan at pinapagtibay ang kanilang dunong sa loob ng mga paaralan ay inaatupag ng mga ito ang susunod nilang sisilungan at tiyak na kaligtasan.


get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon