KIAT-KIAT

WORDS: Pamela Jenn Amparo| DECEMBER 8, 2023.

ILLUSTRATION: RAFAELA ABUCEJO

Bagong taon na naman

Kaya’t maraming abala para sa handaan

Kaliwa’t kanan, bitbit ang panahog—

Hala! Mga kiat-kiat ng ale’y tumalbog.


Kahit pagod na ako mula trabaho

Lumapit at sambit ko’y “Manang, tulungan ko kayo.”

Pinasalamatan ako’t lumakad na sila paalis mag-ina

Biglang dinig ko,“‘Nak, sorry. Kasalanan ni Mama.”


Kaysa maghintay ng masasakyan

Napatigil ako sa aking kinatatayuan

Bakit naluluha ako na parang timang?

Naiinggit ba ako? Ako yata ay nahihibang…


Nakauwi na ako’t lahat sa yunit kong tahimik

Nasanay nang mag-isa pero may tinik

Ang suwerte ng bata, nakakatuwa

Dati kasi ako’y sinisisi at hinahampas dahil kami raw ay maralita.


Kasalanan ko ba ‘yon?

Hindi naman ako nanghihingi ng mansyon;

Pagmamahal na tunay

Iyon lang naman ang hiling ko, ‘Nay at ‘Tay.


Mahal ko ang mga magulang ko

Ngunit kanilang mga pangakong magbago ay nakabaon lamang sa pako

Kaya lumayo ako ngayong matanda na

Kasi, sila? Magso-sorry?! Nako! ‘Di na.


get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon