OPINION

Malaya sa abuso, malaya sa kirot

ARTICLE : ROSHENNA MHAE RAPADA | FEBRUARY 13, 2024

ILLUSTRATION: DARREN WAMINAL

Kaakibat ng bawat hagulgol ng mga sanggol mula nang maisilang sila ay ang pilit na pagtatalaga sa karanasang ito bilang isang biyaya. Ngunit sa kasalukuyang kalagayan, idinidikta ng estadistika ang bilyong datos ng mga kabataang bigong nakakamit ang nararapat na kalinga para sa kanila.


Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong 2022, halos isang bilyong kabataan sa buong mundo na may edad 2 hanggang 17 ang napabayaan at nakaranas ng iba’t ibang uri ng abusong pampisikal, emosyonal, at sekswal.


Sa lokal na eksena naman, halos 9,000 kabataang edad 15 hanggang 17 ang nakaranas ng pang-aabuso sa parehong taon, ayon sa ulat ng Council for the Welfare of Children (CWC).


Dahil sa mga kontrobersyal na isyung panlipunang tumatangis sa ating bansa gaya ng maagang pagbubuntis, kasalatan, hindi planadong pagpapamilya, at paghihiwalay ng mga magulang—-maraming kabataan ang hindi nakakamtin at nadarama ang sapat na kalinga at aruga—lalo na mismo sa kanilang pamilya at tahanang kinalakhan nila.


Kung kaya, ang hindi pagpa-prayoridad sa kapakanan at kinabukasan ng mga bata ay maaaring humantong sa iba’t ibang anyo ng abuso.


Hinggil dito, salikmata rin sa bawat isa ang mga sikolohikal na epekto ng mga ito na siyang madalas sumasalamin sa kaugalian, kapakanan, at paraan ng pamumuhay ng mga kabataan hanggang sa kanilang pagtanda.


Kaanib ng mga abuso at kapabayaang ito, ay ang mga epekto sa pag-unlad ng kabataan at malaking posibilidad ng pagkakaroon ng suliranin sa pisikal at mental na kalusugan; at problema sa pagkatuto, pakikihalubilo, o pakikipag-relasyon sa kanilang kapwa. Kung kaya, sa kanilang pagtanda, sila ay madalas naka-angkla sa suliraning pang-saykayatriko, pagdepende sa ilegal na droga, seryosong medikal na kondisyon, at mababang kapakinabangan sa ekonomiya.


Hindi rin maikakaila ang isang parte ng sistema ng buhay ukol sa awtomatikong pag-bitbit ng bata sa mga hindi nalutas na suliranin at trauma ng magulang, gayong hindi niya naman pinili ang mabuhay sa mundong ibabaw. Dahil dito, marami sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon ang iginugugol ang kanilang oras sa pakikibaka at kagustuhang putulin ang generational trauma o ang takot na pinagpasa-pasahan ng kanilang pamilya para lamang makamit ang tunay na kaligayahan at kapayapaan sa puso at isipan.


Kaya sa mga magulang, hindi ito pakiusap, bagkus, ito ay pagsasaad ng inyong responsibilidad. Kayo ay may matarik na kamalayan habang bumubuo ng pamilya. Nawa sa mga panahong iyon, naging malinaw rin ang mga maaaring kahihinatnan ng inyong ikinilos.


Hindi pinili ng inyong mga anak ang maisilang ngunit pinili niyo ang magkaanak. Ngayong and’yan na sila, kayo ay magpaka-magulang sa tama at hindi sa mapang-abusong pamamaraan. Maging punong tagapag-suporta at bigyan sila ng sapat na aruga at kalinga.


Sa mga kabataan, marami ang klase ng bokasyon sa buhay, kabilang na ang pagpapamilya. Ito ay isang karapatang sibil at malayang natatamasa dahil sa demokrasya. Mas magkakaroon ng ligtas at mapagkalingang mundo kung kasama sa pagpapamilya ang sistematikong pagpaplano niyo, nang sa gayon ay hindi mararanasan ng inyong mga magiging anak ang abuso at kalupitan ng mundo.


Gayunpaman, hindi naman maiaalis ang katotohanan na sa tahanan at pamilya pa rin unang nahuhubog ang isang bata. Unang pagbigkas ng “mama” o “dada;” unang pag-ngiti, hagikgik pati na rin ang paglungad.


Napakalaking salik ang pamilya at tahanan sa paglago at pag-unlad ng isang musmos. Mula sa kaniyang banayad na pangangatawan at kamusmusan, walang sinuman ang nararapat na makaranas ng kahit na anong anyo ng pang-aabuso. Sapagkat ang bawat kabataan ay elihibleng manahanan sa mundong malumanay at mapagpalaya.


Malaya sa abuso. Malaya sa kirot.

get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon