Mamburao blues
WORDS: CHRIS BURNET RAMOS | FEBRUARY 11, 2024.
ILLUSTRATION: ANGELICA LOUISSE NAZARIO
Hindi naman kita kababata.
Ni hindi nga kita kilala simula't sapul.
Pero ikaw ang nagpapaalala sakin sa arnibal.
Sa Central. Sa Patintero. Sa Wansapanataym.
Ikaw ang naalala sa t‘wing dadaan sa kapitolyo.
Sa t‘wing dadaong na ang barko.
Ikaw ang nagpapaalala sakin sa kislap ng nakaraan.
Ikaw ang rason ba't gusto kong maligo sa poso at magtagu-taguan.
Para ka kasing pagkabata—gusto kong balik-balikan.
Pinagtagpi-tagping santan at makalat na ilang-ilang ang saksi
Kung paano tumagaktak ang pawis sa paglalaro hanggang gabi
Apelyido mo pa nga raw ay bulaklak din ang ibig sabihin
Kaya siguro mga paru-paro ang nararamdaman t’wing pangalan mo’y naririnig.
Eh hindi nga kita kilala. Hindi naman kita kababata.
Bakit kaya ikaw ang alaala sa inulam na gatas, sa tsinelas at lata?
Ah, alam ko na.
Taga sa’min ka nga rin pala. Tayo lang yung taga ro’n sa espasyong ‘to.
Ikaw lang ang makakaintindi ‘pag dumilim na naman sa Mindoro.
‘Pag tumaas na naman ang singil.
‘Pag dumali na naman ang gobyerno.
Tapos mahilig ka pa sa lente, mahilig ka rin sa kwento.
Mahilig kang magsabuhay ng istorya sa tinagpi-tagping bidyo.
Kaya siguro ikaw ang ging-bukambibig ‘pag uuwi t’wing Pasko.
Baka sakaling magkasabay, baka magkabangga sa istasyon.
T’wing nakakikita ka ng kiamoy sa Maynila,
O pastillas na nakabalot sa pambalot ng yema,
Ginugusto mo rin kayang umuwi?
Inaasam mo rin kayang bumiyahe?
Ako kasi’y oo.
Parang ang sarap umangkas uli sa motor.
Parang ang sarap uling makita ang Tayamaan tuwing dapithapon
Magpagulong-gulong sa aplaya at sumuong sa malalaking alon
Pero buti na lang parang ‘di ako mag-isa;
Buti’t paminsan-minsa’y nagkakausap tayo.
Sa Cubao ‘yun eh, ‘yung una.
Nakakahiya pang lumakad habang nagsasalita.
Tinago ko pa yung resibo nung kumain tayo sa Araneta.
Ang sunod kong tinago no’n? Yung nararamdaman ko na.
Hindi na lang kasi pagkabata ang nakikita sayo, hinaharap ay kasama na.
Eh, pa‘no man ‘yun?
‘Sing layo ng Mamburao ‘gang Rizal ang pagkakataon
Na bumaba ang mga ulap at pakinggan ang pinagdarasal ko.
Nakarating pa nga ‘ko sa Taguig sa taas ng Aura, sa may simbahan.
Nahalina ako sa hagdang may tubig;
‘Yung mga palamuting nagniningning
May fireworks pa nga sa pagitan ng usapan natin.
Talagang pagkabata’y parang binalikan ko, eh ang saya ko pa man din.
Pero ang nagparamdam pala sakin noon ay hindi nagniningningang ilaw
Hindi rin yung mga ningning ng gusali, kundi ikaw.
Kaya siguro ikaw ang naalala sa mga mapa, sa buwan, at sa‘king pagkabata
Parang ang lapit lapit mo lang kasi sa’kin;
Parang lagi kitang kasama.
Biruin mong parehas tayong lumuwas dala-dala ang mga hinanakit ng bayan;
Para sabay na gumawa at ipagalanap ang balita sa kinabukasan?
Kaya siguro ikaw ang nakikita ko sa mga kendi sa Recto
Kaya siguro ikaw ang nasa isip kapag susulat ng mga ganito
Kasi tila presensya mo ang lunas sa sugat ng batang ako.
Kaya kahit hindi ko man ma-kwento sayo lahat, ako ri’y may panghahawakan
Na nagkakilala tayo bago lisanin ang pamantasan
Uuwi tayo sa iisang probinsya‘t iisang uulap ang tititigan;
Iisang hangin ang lalanghapin, iisang dagat ang malalanguyan
Ayos na ‘yun, pwede na.
Kahit hindi ko masabi kung bakit sa sinulbot at maruya’y ikaw ang naalala.
Eh hindi naman kita kilala, ni hindi nga tayo magkababata.
Sa mga kwento mo siguro ‘yun.
Sa mga alaalang tumatak sa‘kin.
Sa mga tanong kung kailan ka uuwi? Kailan ka babalik?
Lagi na nga lang laman ng usapan kung anong nangyayari dun sa‘tin;
Kailan kaya ‘yung kung ano naman ang meron sa‘tin?