May batang Marta sa bawat sulok ng maralitang lungsod

ARTICLE: JOLIE BABISTA | JANUARY 5, 2024

LAYOUT: RENZO CABITLADA

“Mag-ingat sa mga mandurukot!” ito ang normal na sigaw ng mga barker sa kahabaan ng EDSA kung saan naglipana ang mga batang namamalimos sa kalsada.


Isang araw, sa kahabaan ng Magallanes, huminto ang dyip at nagbabaan ang ilan sa mga pasahero. Kasabay nito, umakyat din ang dalawang batang walang tsinelas at may bitbit na mga sobre’t tambol na gawa sa lata. Umupo sila sa gitna ng dyip at nagbigay sa bawat pasahero ng isang maliit na sobre na tila isang taon na nilang ginagamit. Pagtapos nito ay lumikha sila ng iba’t ibang tunog at nagsisayawan.


Sa maalikabok na kalsada ng Maynila, sa likod ng malalaking gusali at malakas na ingay ng trapiko, nakalagak ang mga Badjao na pawang may mga sariling mundong tila nakahiwalay sa kinagisnan natin. Doon ko nakilala si Marta, isang batang Sama-Bajau mula sa Mindanao.


“Marta pangalan ko ‘te, galing kaming Mindanao. Noon, namamalimos kami sa jeep, kumakanta at sumasayaw pero ngayon dito na lang kami [sa may stoplight] namamalimos, nakatok sa mga bintana ng sasakyan,” pagpapakilala ng bata.


Ayon sa ina ni Marta, nakarating sila sa lungsod dahil sa ipinamigay na promo ng isang bus sa Mindanao. Wari'y kasimbilis ng rumaragasang alon ang paglayo ng tribong Sama-Bajau sa kanilang kinagisnang tirahan—pinilit makipagsapalaran sa Maynila upang sumayaw sa bawat tunog ng tambol na kanila nang naging kabuhayan.


Simula alas-singko ng umaga, nariyan na sila sa kalsada upang muling humarap sa hamon ng kalunsuran. Ani nila, mas maayos silang nakakakain sa Maynila kaysa sa pinagmulan nila sa Mindanao. Kwento pa ng pamilya, wala silang ibang trabaho dahil inaamin nila na mga Badjao lamang sila na walang alam.


Sa bawat araw na sila ay nasa kalsada, tantyado nilang kumikita sila ng isang daang piso pataas—sakto lamang sa kanilang pagkain maghapon. Minsan ay hindi na nila malaman ang eksaktong presyo nito dahil hanggang isang daan lamang ang alam nilang bilangin.


Kung sa aspeto ng kabuhayan ay talo na sila, paano naman ang mga karapatan na dapat nilang natatamasa?


“Ayaw ko mag-aral, hindi ako marunong magbasa at magsulat. Nakakapagbilang kami pero maliliit na halaga lang, ni hindi man nga namin alam ‘te kung ilang taon na kami,” mabilis na pagsagot ni Marta.


Sa murang edad, pinanindigan ng ibang mga batang Badjao tulad ni Marta na makapagtrabaho at kumita ng barya sa halip na matuto at mapagyaman ang lahing kanilang pinagmulan.


“Te, kahit mag-aral ako hindi ko rin naman matutuloy. Pangdidirihan lang ako ng ibang bata ‘dun tapos sasaktan. Kaya ayaw ako pag-aralin ng nanay ko kasi yan sinasabi sa’kin,” dagdag pa niya.


Tila naging allergic na rin sila sa normal na pamumuhay. Sinong mag-aakala na ang mumunting bata ay mas pipiliin pang dumiskarte at mamalimos upang magkaroon ng laman ang tiyan kaysa maglaro at mag-aral katulad ng iba niyang ka-edad?


Taong 2011 nang inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Indigenous People Education Program para sa mga Badjao. Taong 2022 naman nang isulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Assistance to Individuals in Crisis Situation Program na naglalayong bigyan ang bawat pamilya ng disenteng kabuhayan. Ngunit sa pagsapit ng 2023, hindi na ito muli pang naituloy dahilan upang muling makipagsapalaran sa lansangan ang mga Badjao.


Ang huling panawagan ng ina ni Marta at ng iba pang mga kasamang Sama-Bajau ay ang mabigyan sila ng maayos na tirahan at hanapbuhay rito sa Maynila. Isang malaking rason ng pananatili nila rito ang mas mahirap na sitwasyong naghihintay sa kanila sa Mindanao.


Sa kabila ng pagkaligaw ni Marta sa buhay na kanyang hinahangad, patuloy pa rin siyang humaharap sa hamon ng panibagong mundo na kanyang ginagalawan.


“Gusto ko ng laruan ‘te ngayong Pasko, ‘di pa kasi ako nagkakaroon ng sariling laruan. Sana may magbigay sa’kin,” malungkot na hiling ni Marta.


Sumapit na ang Pasko at Bagong Taon ay nasa bawat sulok pa rin sila ng kamaynilaan. Subalit, may Pasko man o wala, patuloy lang silang gagawa ng musika para sa atin, hindi man para sa kaunting kalansing ng barya, kundi para sa karapatan na sana ay matamasa rin nila.


Ilang Pasko at taon pa ba ang dadaan bago makamit ng mga Sama-Bajau rito sa Maynila ang natatangi nilang mga hiling?


“Kuya, pembarya,” huling sambit ni Marta sa aking kasama.

get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon