Pakikibaka ng Kabataan: Panawagan sa katarungan, karapatan, at kapayapaan
ARTICLE: MARIA LETIZIA BALANAG | DECEMBER 23, 2023
PHOTO: DANICA ESPEDILLON/TW!NKLE
Iba't ibang child rights group ang nakiisa sa peace march para sa Palestine noong Nobyembre 25 na nagsimula sa Luneta Park at nagtapos sa Cultural Center of the Philippines sa Pasay City. | via Maria Letizia Balanag
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Revolution Web Central (PRWC), nasa 97 ang namatay sa unang taon ng pamamalakad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., 13 sa mga ito ay kababaihan, at anim sa kanila ay menor de edad. Isa lamang ito sa mga indikasyon na nabubuhay pa rin ang ating lipunan sa isang malupit na mundo na hindi ligtas sa banta ng karahasan ang mga bata.
Bilang paggunita ng National Children’s Month, inalala ng organisasyong Children’s Rehabilitation Center ang mga batang naging biktima ng karahasan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, noong ika-18 ng Nobyembre sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Dinaluhan ito ng higit 100 na mga bata, kasama ng iba pang mga child rights group at advocates.
Kabilang sina Kyllene, 9 na taong gulang, Ben, 15 taong gulang at Raben, 11 taong gulang na naging biktima ng sinasabing masaker ng 59th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Taysan, Batangas.
Pahayag ni Kyllene, habang pauwi sila ng kaniyang ama at kapatid mula sa pagpapastol ay tinutukan ng baril ng apat na sundalo ang kanyang ama. Nagpakilala silang mga residente ngunit sa halip na padaanin ay binaril sila nang dalawang beses ng mga ito.
Samantala, sina Ben at Raben ay walang-habas ding binaril habang natutulog sa kanilang tahanan sa Himamaylan City, Negros Occidental kasama ang kanilang ina. Sila ay pinaghihinalaan ng mga sundalo na kabilang sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) o ang New People's Army (NPA).
Pagkakaisa para sa Palestine
Kasabay ng pag-alala sa mga batang biktima ng giyera sa Palestine ay ang patuloy na panawagan at pakikiisa ng mga Pilipino upang wakasan ang higit 50 taong marahas na pananakop ng Israel sa lupain ng mga Palestinian.
Karamihan sa mga refugee ay pamilya ng mga Pilipinong nagbalik-loob sa Islam at nagpakasal sa mga mamamayang Palestinian, pagkatapos ay sumama sa programa ng repatriation ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga Pilipino sa Gaza.
Sa panayam ng Twinkle kay Marcelo, 12 taong gulang na miyembro ng Children’s Collective, walang pinagkaiba ang karahasang naranasan ng mga bata noong war on drugs, na ikinamatay ng 122 na mga bata, sa kasalukuyang pambobomba sa Gaza na ikinamatay ng libu-libong kabataan.
Ayon kay Kim Falyao ng Siklab Philippine Indigenous Youth Network, ang mga katutubong kabataan ay lubos na nakikiisa sa laban ng kanilang mga kababayan dahil sila mismo ay nakaranas din ng pangangamkam ng lupa, pagpapalayas sa kanilang lugar, at panrered-tag.
“Ang kanilang pakikibaka at ang aming pakikibaka ay iisa, ito ay pakikibaka sa sariling pagpapasya,” ani Falyao.
Karanasan ng mga Filipino-Palestine refugees
Mula Nobyembre 7-14, pinauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 102 Pilipino mula sa Gaza. Mahigit 60 na miyembro ng Filipino-Palestine families din ang kasalukuyang nanunuluyan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Nitong ika-24 ng Nobyembre, nagdaos ng psycho-social intervention sa Cathedral of St. Mary and St. John ang Children’s Rehabilitation Center para kumustahin ang kalagayan ng mga Pilipino-Palestinong bata sa pamamagitan ng art therapy.
“Kasama yung guardians nila, na-kwento nila ‘yung mga naramdaman nila kagaya ng takot, ng shock, grief and loss,” ani Cherry, tagapangasiwa ng Children’s Rehabilitation Center.
Ayon kay Cherry, makikita raw sa mga batang ito ang kanilang traumatic experience; may mga bata na nasaksihan ang pagkamatay ng kanilang kaibigan at mahal sa buhay, at nakaranas ng takot dahil sa pambobomba sa kanilang lugar.
Patuloy ang panawagan ng taumbayan, lalo na ng mga Filipino-Palestine refugees, na sila ay bigyang-pansin ng gobyerno upang makapagsimula muli at makabangon mula sa malupit na karanasan sa Palestine. Kabilang dito ang mga relihiyosong grupong Muslim tulad ng Tahabas Man Foundation na nagtayo ng makeshift kitchen para sa mga refugee.
Sa kasalukuyan, pansamantalang naninirahan ang mga refugees sa UP, ngunit kinakailangan nilang makahanap ng bagong tirahan dahil pinahihintulutan lamang sila na manatili sa loob ng pamantasan hanggang Disyembre 21 dahil sa limitasyon ng unibersidad sa mga pangtustos.
Sa panayam ng Rappler noong December 12 kay Sandugo Movement co-chairperson Amirah Lidasan, ibinahagi nito ang ilan sa mga grupong maaaring kausapin upang makapagpaabot ng tulong para sa mga refugee tulad ng Philippines-Palestine Friendship Association, Philippine Palestine Solidarity Center, UP Office of the Student Regent, Philippine Collegian, at Kabataan Partylist.