COMMUNITY
Pangarap at Kalayaan
sa Mata ng Paslit
ARTICLE: LEI ARTHREO SEDERO | JANUARY 19, 2024.
GRAPHICS: RENZO CABITLADA
Ano para sa’yo ang kalayaan? Ano ang pangarap mo sa buhay?
Mga simpleng tanong ngunit masyadong malalim para mabigyan ng malinaw na sagot. Simpleng mga salitang madaling basahin, pero para sa mga tao ngayon, mahirap nang tugunan.
Sabi nila, likas sa mga bata ang malawak na imahinasyon at mataas na mga ambisyon sa buhay. Ngunit, habang tumatanda at namumulat sa katotohanang dulot ng marahas na reyalidad, nagsisimula na tayong tumalikod sa mga pangarap at pangakong pinaglaanan natin ng panahon upang maitaguyod.
Unti-unting namamatay ang makukulay na pangarap at nakukulong sa mga responsibilidad na ipinataw ng buhay.
Sa unang buwan ng taon, bilang simbolo ng panibagong pag-asa, ano nga kaya ang saloobin ng mga kabataan sa konsepto ng pangarap at kalayaan? Tara at tuklasin kung paano tinatanaw ng mga inosenteng paslit ang tinatahak nilang buhay sa murang edad.
Raphaela Mary Abogado, 7
Kalayaan: Pwede kong gawin lahat, ‘pag naglaro ako sa labas ‘di ako papagalitan ni Mama. ‘Pag pumunta ako ng bahay ng kaklase ko ‘di rin ako papagalitan. Kapag nakipaglaro ako sa mga pinsan ko ‘di ako pinagalitan.
Pangarap: Pangarap sa buhay… gusto ko maging pulis, para mahuli ko ang mga magnanakaw. Doctor, para maggamot ako sa mga may sakit at mga ubo. At Nurse.
Russell Dawn Aranas, 12
Kalayaan: Freedom is you can do anything in life that you want without having anyone to mess it up or pakialam with it.
Pangarap: A doctor, because being a doctor is really nice, you heal other people.
Kenjhe Uno Mendiola, 12
Kalayaan: Ang kalayaan po, ito po yung nagagawa natin [ang mga bagay] nang walang hanggan at ito po yung mga puwede natin gawin kahit kailan.
Pangarap: Gusto ko po maging Seaman po. Gusto ko makalayag sa mga karagatan.
Charmaine Bernadette Laroya, 9
Kalayaan: ‘Yung makita ko po mga kaibigan kong masaya.
Pangarap: Flight Attendant po, gusto ko po makalipad at maka-travel.
Samuel Caylo Pangan, 3
Kalayaan: Punta Seben Leben (7/11).
Pangarap: Rainbow Candies.
Akihiro Cairo Antinero, 11
Kalayaan: Malayo ka sa kaguluhan. Malaya mo nagagawa ‘yung gusto mo.
Pangarap: Seaman kasi matapas yung sahod at tsaka para matuto ako lumangoy.