OPINION

Pasko Na Naman, Ngunit Walang Handa

ARTICLE: MAXINE JADE PANGAN | DECEMBER 20, 2023

ILLUSTRATION: JACQUELINE DEJESA

Pumalo sa 4.9% ang inflation rate ng Pilipinas noong Oktubre 2023. Bumaba man ito mula sa 6.1% noong Setyembre, napakalayo pa rin ng narating nito kung babalikan ang mga nagdaang taon. Dahil dito, kailangan na namang mamaluktot ng mga Pilipino sa butas-butas at maikling kumot, at gamitin ang kanilang ‘resilience’ para lamang mairaos ang Noche Buena at manatiling makulay at masaya ang darating na Pasko.


Ayon sa World Data mula noong taong 1960, nadagdagan ng 13,366.45% ang presyo ng bilihin ngayong taon. Kaya’t kung malimit mong marinig sa tatay mo ang mga katagang “dos lang ang taxi noon” o ‘di kaya’y “25 cents lang ang Jollibee dati,” paniwalaan mo siya dahil ang mga bilihin na dati ay nagkakahalaga ng P100 ay pumalo na sa halagang P13,466.45 sa pagpasok ng 2023.


Ang pagtaas ng inflation rate ay nangangahulugan ng pagbaba ng halaga ng perang hinahawakan ng bawat Pilipino. Sunod-sunod man ang pangako ng mga kawani ng gobyerno na pagagaanin nila ang bawat pasanin ng pamilyang Pilipino, kapos at salat pa rin ang pamumuhay ng karamihan. Tumataas ang bilihin, bumababa ang sahod, at lalong naghihirap ang bawat mamamayan. Kalakip ng paghihirap na ito ay ang pagbitaw ng iilan sa mga nakasanayang tradisyon katulad ng Pasko.


Dati, Setyembre pa lamang ay pinaghahandaan na ng bawat Pinoy ang paparating na selebrasyon. Nagniningning ang bawat tahanan at dumadagundong ang Christmas songs sa mga speaker. Ngunit sa patuloy na pambabalewala ng rehimeng Marcos sa tumitinding problema ng pagtaas ng bilihin, patuloy na nanganganib ang Paskong Pilipino na taon-taong hinihintay ng mamamayan, lalo na ng kabataan.


Para sa isang okasyon na palaging nakaugnay sa kapitalismo at konsumerismo, isang malaking dagok para sa mga Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa isang pag-aaral ng Ipsos, 66% ng pamilyang Pilipino ang nahihirapan na makahanap ng perang ipambibili ng kanilang makakain. 15% sa mga ito ay may mga anak na itinutulog na lamang ang kalam ng sikmura dahil walang maihain sa mesa.


Kung sa pagkain pa lamang sa araw-araw ay hirap nang umusad ang mga Pilipino, paano pa kaya ang magiging daloy ng selebrasyon nila sa nalalapit na ka-Paskuhan?


Dahil pumalo na sa 10% ang inflation sa pagkain nitong Setyembre, tila hindi na rin makakatikim ang bawat chikiting ng paborito nilang spaghetti o ‘di kaya’y ang makulay na fruit salad ni Mama. Baka nga may mga naputulan na rin ng kuryente dahil sa power hike na may dagdag na P0.5 per kWh.


Kaya pala para pa ring Halloween ngayon kapag lumibot ka sa labas, wala na munang kumukutikutitap kasi wala na ring laman ang tiyan ng mga anak nila. Wala na ngang Noche Buena, wala pang caroling. Paano na ang nakagawiang pasko ng mga batang Pilipino?


Ayon sa factory worker na si Kristen, 29, baka ‘mag-pass’ daw muna siya sa pamimigay ng regalo sa mga inaanak. Mas kailangan niya raw kasing unahin ang mga bayarin at maglagay kahit papa’no ng makakain sa hapag dahil hindi rin naman tumataas ang sahod kasabay ng pagtaas ng bilihin.


Samantala, nito lamang Nobyembre 26 ay nagdaos si Pangulong Bongbong Marcos ng gift-giving program sa Malacanañg para sa mga bata sa bahay-ampunan. Ayon sa pangulo, ang tunay na halaga ng Pasko ay kapag may mga bata sa paligid mo na “magulo, maingay, at masaya.”


Ang aksyong ito mula mismo sa presidente ay isa lamang patunay na paulit-ulit niyang pinaiikot ang mamamayang Pilipino at pinaniniwalang may naibibigay siyang tulong kahit kakarampot lamang iyon ng binubulsa niya sa kaban ng bayan. Magiging solusyon ba sa butas na sikmura ng kamusmusan ang pagbibigay niya ng mumunting regalo? Sa halip na ubusin ang oras niya sa isinagawang gift-giving program, bakit hindi niya mabigyan ng oras na harapin at lutasin ang tunay na estado ng bawat pamilyang Pilipino?


Ngayong kalalaya lamang ng bansa sa nagdaang delubyo ng pandemya, marahil ay naghihintay ang mga paslit ng masaya at masiglang Pasko. Gayunpaman, kahit ang mga inosenteng bata ay napipilitan pa rin mamaluktot sa mapait na reyalidad o ‘di kaya’y magbanat ng buto para lamang magkaroon ng laman ang sikmura ng buong pamilya.


Kung tunay nga na ang Pasko ay tungkol sa kabataan, nararapat na suungin ng pamahalaan ang tunay na ugat ng problemang kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino sa kasalukuyan: ang patuloy na paglobo ng inflation.


Hindi na dapat nakikiusap ang mga kabataang Pilipino para lamang magkaroon ng masayang Pasko. Tila nga naging pang-mayaman na lamang ang ganitong uri ng okasyon buhat ng krisis sa ekonomiya. Sa darating na Disyembre 25, Pasko na naman; wala nga lang handa.

get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon