PGH: 14% ng mga bata ang namamatay sa pulmonya

ARTICLE BY: SHAIRA GABORNES| DECEMBER 18, 2023

PHOTO SOURCE: Inquirer.net

Ilang mga batang nagpapabakuna ng ‘routine vaccine’ kasama ang kanilang mga magulang. | via Shaira Gabornes


Pulmonya ang sanhi ng mahigit 14% na pagkamatay ng mga batang may edad na limang taon at pababa, ayon kay Philippine General Hospital (PGH) Infectious and Tropical Disease Division Chief Dr. Anna Ong-Lim nitong Agosto.


Kaugnay nito, ibinahagi ng Department of Health (DOH) noong Oktubre ang report ng Field Health Services Information System (FHSIS) na nagsasabing halos nasa 82,122 na kaso ng pulmonya ang naitala sa bansa mula Enero hanggang Hunyo 2023. Ito ay mas mataas ng 26.93% kumpara sa mga kasong naitala sa parehong mga buwan noong 2022.


Sa isang eksklusibong panayam ng Twinkle, inilarawan ni Dra. Lani Buendia ng Quezon City Health Department (QCHD) ang pulmonya bilang isang impeksyon sa baga. Ito umano’y dulot ng mga virus, bacteria, at fungi kagaya ng Streptococcus pneumoniae na siyang pangkaraniwang nakikita sa mga bata. Pneumocystis jiroveci naman ang tawag sa fungal infection na makikita sa mga sanggol na mayroong human immunodeficiency virus (HIV).


“Normally, the lungs have small sacs that are filled with air but when there is pneumonia, it is filled with pus and fluid,” ani Dra. Buendia.


Bagong uri ng pulmonya


Batay sa ulat ng DOH, apat na kaso na ng walking pneumonia ang naitala sa bansa nitong Enero hanggang Nobyembre ngayong taon. Ito ay bagong uri ng pulmonya na nagmula sa mga kaso ng influenza-like illness.


Iba sa mga pangkaraniwang pulmonya na ramdam ang mga sintomas, ang mga taong tinatamaan ng uring ito ay hindi nararamdaman ang panghihina ng kanilang mga pangangatawan dahilan upang magawa pa rin nila ang kanilang mga gawain sa pang araw-araw.


Ayon sa World Health Organization (WHO), kasabay ng pagtaas ng kaso ng walking pneumonia ay pinapaintig pa nila ang kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng paghingi ngimpormasyon sa China patungkol sa kinahaharap nitong mas mataas na kaso ng nasabing pulmonya.


Malnutrisyon at exclusive breastfeeding


Sa pag-aaral ng Philippine Children’s Medical Center, nakatutulong umano ang exclusive breastfeeding upang mapababa ang posibilidad ng pagkakaroon ng pneumonia sa mga sanggol at sa mga batang may edad na hanggang limang taong gulang.


Exclusive breastfeeding ang hindi pagpapainom sa sanggol ng tubig o kahit anong likido at pagkain maliban sa breastmilk ng ina nito. Naitala ng Family Health Survey na 92% ng mga Pilipinong sanggol mula 6 hanggang 35 buwang gulang ay nakaranas ng breastfeeding sa sapat na panahon ngunit 27% lamang nito ang nakaranas ng exclusive breastfeeding.


Breastmilk ang pangunahing pagkain at pinagmumulan ng sustansya ng mga sanggol. Taglay nito ang antibodies na tumutulong upang proteksyonan ang mga bata sa mga virus at bacteria na maaaring magdulot ng pulmonya at iba pang mga sakit, paliwanag ng World Health Organization (WHO).


Upang tiyakin ang proteksyon ng mga ina at sanggol, isinabatas ng gobyerno ang Republic Act No. 11148 o 1,000 Days Law na may layuning ibigay ang karapatan ng bawat bata sa exclusive breastfeeding mula sa unang oras ng pagkakapanganak nito hanggang makatungtong ito sa dalawang taong gulang.


“Babies should not be separated from their mothers so that breastfeeding will be initiated early and for exclusive breastfeeding to be successful,” sabi ni Health and Nutrition Advisor Dr. Amado Paraaan.


Kolaborasyon ng DOH, LGUs, at NGOs


Ayon kay Save the Children Philippines CEO Atty. Alberto Muyot, karapatan ng bawat batang mabuhay kaya obligasyon din ng pamahalaan na suportahan ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.


Kaya naman, kaisa ng mga lokal na gobyerno ang mga non-government organizations (NGO) tulad ng Save the Children sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ukol sa kalusugan ng mga kabataan. Samantala, ang DOH naman ay nagbibigay ng libreng konsultasyon at immunization sa mga health care centers ng mga lokal na barangay.


“Magpaparegister lang sila dun sa admission natin tapos dadaan sila kay doktor. Kung wala namang problema, proceed na tayo sa immunization,” saad ni Nurse Jane Trumata ng Doña Nicasia Health Center.

Pinapaigting din ng DOH ang National Immunization Program (NIP) na naglalayong palakasin pa ang pneumococcal vaccination ng mga Pilipino mula sa mga bata hanggang sa mga senior citizen.


“Nagbibigay tayo sa mga bata three doses ‘yun kasabay ng penta polio at saka yung PCV-10 (pneumococcal conjugate vaccine 10) [...] ‘Yun ang kontra sa pulmonya,” ani ng nurse.


Ayon pa kay Dra. Buendia, ipagpapatuloy ng DOH ang implementasyon ng mga child care programs pati na ang pakikipagtulungan nito sa mga NGO na may parehong layunin na mabawasan ang morbidity at mortality upang maisulong ang pag-unlad at paglago ng kalusugan ng mga kabataan.


get in touch

Black Circle Email Icon
Simple Facebook Icon