Roblox Filipino Catholics: Ang Game Changer ng Pananampalataya


ARTIKULO: MAXINE JADE PANGAN | JANUARY 23, 2024.

LAYOUT: RENZO CABITLADA

Distraction man na maituturing para sa iba, hindi ito dapat i-smol-in. Ang Roblox na noon ay para lamang sa paglilibang ng mga chikiting ay maaari na ring maging lugar para sa mga prayer meeting!


Kilala sa pagiging mapanata ang mga Pilipino. Bata man o matanda, mayaman man o mahirap—kahit siksikan ay pupuntahan, kahit malayo ay dadayuhin, at kahit may balyahan ay iindahin para sa pinangangalagaang pananampalataya.


Ngunit sa panahong naging lulong na ang mga Pilipino sa social media at gadgets, may puwang pa kaya ang pagdarasal sa kanilang mga puso? At para sa mga kabataan namang tila lulong na sa mobile games, may paraan pa kaya para bigyan ng oras ang pananampalataya?


Sa gitna ng papalubog nang interes ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan sa pagdarasal at pananampalataya, umusbong ang panibagong pag-asa upang hamunin ang patuloy na nagbabagong mundo ng teknolohiya—ang Roblox Filipino Catholics (RFC).


Salot man kung ituring ng iba ang nagdaang pandemya, ginamit naman ng RFC ang pagkakataong ito upang maipagpatuloy ang kultura ng debosyon at pista na unti-unting inuupos ng nasabing krisis. Sa pamamagitan ng Roblox, isang game application na madalas tambayan ng kabataan, kaagapay ni RFC chief administrator David John Torres ang mahigit tatlong libong miyembro ng grupo sa pagdaraos ng mga virtual na misa.


Sinong mag-aakala na ang larong pilit na pinasasara nina Mommy at Daddy ang siyang magpapa-behave pala sa kanilang mga anak?


Sa mundo ng Roblox Filipino Catholics, nagkakaroon ng tsansa ang mga bata na maging parte ng mga misang nilikha ng iba’t ibang simbahan sa Pilipinas. Kanya-kanya sila ng posisyon at mga gampanin habang ginaganap ang bawat misa at pista. Dahil dito, unti-unting natututuhan ng kabataan ang mga tunay na kaganapan sa pagdarasal at pagdedebosyon. Dahil sa RFC, nagkakaroon ng ideya ang mga paslit sa mga dapat at hindi dapat gawin sa loob at labas ng simbahan.


“That’s part of the goal ng RFC, [to] actually make the youth more aware na sana ‘yung religious experience would translate into actual social change rin. [...] That they would become instruments of social change in the country brought by their religious experience,” pagbabahagi ni David.


Sa kabila ng pamamayagpag ng RFC at ng kanilang mga bitbit na layunin, hindi pa rin nakaiwas sa mga kritisismo ang virtual world ng grupo. Madalas nilang marinig sa mga konserbatibong Katoliko na tila bastos at wala silang respeto umano dahil ginagawang laro ang sagradong tahanan ng Panginoon.


Pero para naman sa mga kura paroko ng simbahan, isa itong hakbang pasulong sa hamon ng panahon at patungo sa puso ng kabataang Pilipino.


“Kung nasaan ang kabataan, dapat doon pumunta ang simbahan. Kaya natutuwa ako na may ganitong Roblox Filipino Catholics na community rin na kahit papaano ay sinisikap na ito ‘yung maging platform. Kahit deboto man o hindi, siguro sa mga deboto’y ito’y malaking pagkakataon, isang magandang oportunidad,” saad ni Rev. Fr. Jun Sescon, parish priest ng Minor Basilica ng Quiapo.


Dinagdag pa ng pari na magandang pagkakataon para sa mga taong mahihilig sa games ngunit hindi deboto ang nasabing virtual world dahil maaari silang magkaroon ng awareness ukol sa Traslacion.


Sa paglipas ng panahon, unti-unti na ring natanggap ng konserbatibong mga simbahan na naging kabiyak na ng buhay natin ang teknolohiya. At sa pagtanggap nila sa huwad na katotohanang ito, nagbunga ito ng mas malalim pang koneksyon ng simbahan at ng kabataan. Dahil sa binuong virtual world ng Roblox Filipino Catholics, nagkaroon muli ng ningas ang tila nauupos nang paniniwala ng mga kabataang Pilipino.


At magbago man muli ang panahon, tiyak na nandyan pa rin ang RFC upang sumabay sa daloy nito at patuloy na maging gabay sa puso ng bawat paslit tungo sa mataimtim na pananampalataya.


get in touch

Email Message Icon
Simple Facebook Icon