Tara, Laro Tayo: Gunitain ang mga Makabuluha't Makabatang mga Laruan
ARTICLE : JHOVIE BERASIS | JANUARY 11, 2023
Parte ng pagiging bata ang makapaglaro nang malaya. Ito ang mga panahong masaya tayong nakikihalubilo at nakikipagkulitan sa kapwa bata na pawang walang iniisip na problema. Talaga nga namang ang sarap bumalik sa mga panahong tayo ay mga bata pa.
Kahit puro laro lang ang nasa isip natin noon, hindi natin maikakaila na bilang isang bata, may mga laruang tumulong sa ating sariling kaunlaran, kasanayan, at kaalaman. Bukod sa mga laruang nagturo sa ating makisalamuha, mayroon din mga laruang nagturo sa ating umunawa at umintindi ng mga bagay. Dahil diyan, narito ang ilan sa mga educational toys na naging bahagi ng ating kabataan:
LAYOUT: MARVIN CABALHIN
RUBIK’S CUBE
Matapos itong maimbento ni Ernő Rubik noong 1974, naging isa ang Rubik’s sa mga sikat na laruang hanggang ngayo’y patuloy na nilalaro ng mga bata. Ito ay isang puzzle na binubuo ng maliliit at makukulay na mga cubes; karaniwang puti, pula, asul, kahel, berde, at pula ang kulay ng mga ito.
Ang paglalaro nito ay magandang paraan upang pagyamanin ang problem-solving skills ng isang bata at mapaunlad ang kanilang determinasyon at pasensya dahil kailangang pagsama-samahin ang bawat kulay para mabuo ang isang bahagi ng cube.
SLIDING PUZZLE
Sunod sa listahan ay ang sliding puzzle. May iba’t ibang klase nito: mayroong maliit at malaki na may iba-ibang disenyo. Kailangang gayahin at buuin ang patnubay na imahe sa pamamagitan ng pag-slide ng bawat tile.
Tulad ng rubik’s cube, kinikiliti nito ang isipan ng mga bata kung aling tile ang gagalawin at kung saan ito ilalagay upang mabuo ang imaheng dapat mabuo.
MINI MUSICAL INSTRUMENTS
Nagkaroon ka ba ng maliit na xylophone, piano, drums, gitara, o kaya ay flute noong bata ka pa? Marahil dito nagsimula ang interes mo at ng mga kabataan noon sa musika!
Isa ito sa mga laruang nagbibigay oportunidad sa mga bata upang kanilang masiyasat ang iba’t ibang tunog at himig habang naglalaro. Sa simpleng paghampas, pag-strum, at pag-ihip ay makakabuo sila ng tunog na nakatutulong sa pag-unlad ng kaalaman sa aspeto ng musika.
Ang mga mini musical instruments ay karaniwang nilalaro upang maranasan nilang makagawa ng mga tunog na katulad sa tunay na instrumento. Sa pamamagitan nito ay ginaganahan silang mapalawak ang kanilang interes sa musika at matutuhan ang paggamit ng mga instrumento sa hinaharap.
MAGNETIC DRAWING BOARD
Isa ka rin ba sa mga batang iginuhit ang senaryo ng bundok, sa harap ng karagatan, habang may lumilipad na mga ibon, at tirik ang araw? Kung oo, siguradong hindi mo malilimutan ang magnetic drawing board.
Isa itong laruan na kung saa’y maaari kang gumuhit ng mga larawan gamit ang isang magnetic stylus sa ibabaw ng metal board. Ito ay kilala sa pagiging messy-free dahil hindi na kinakailangang gumamit pa ng mga tradisyunal na pang-kulay na karaniwang ginagamit sa paggawa ng sining.
Pinapaunlad ng laruang ito ang pagiging malikhain ng isang bata dahil binubuhay ng magnetic pen ang kanilang mga ideya sa pamamagitan nang pagbuo ng iba’t ibang linya, hugis, at istruktura. Ito rin ay nakatutulong sa mga batang nais maging pintor dahil nagagamit nila ito bilang kanilang pagsasanay.
BRICK GAME
Ang brick game ay isang electronic handheld game na naging popular noong dekada '90. Ito’y nilalaro sa pamamagitan ng paggalaw at pag-kontrol sa built-in paddle sa ibaba ng screen. Ilan lamang sa mga larong sumikat mula sa brick game ay ang Tetris at break out o brick breaker.
Ang paglalaro ng brick game ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng hand-eye coordination, concentration, at strategizing ng mga bata. Natututuhan din nila ang ilan sa mga basikong aralin sa physics habang naglalaro nito bilang pampalipas-oras.
Ilan lamang ito sa mga educational toys na nagbigay ng mahalagang ambag sa ating pagkabata, pagkatuto, at kaunlaran. Nagbigay sila ng mumunting kasiyahan pati ng iba’t ibang benepisyong nagtaguyod ng ating katalinuhan at kasanayan sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
Dahil sa mga laruang ito, nahasa ng mga bata ang kanilang mga kahusayan at talento na maaaring makatulong sa kanilang paglaki. Talaga nga namang nakaaaliw maglaro habang tayo ay natututo. Ikaw, anong laruan noon ang mayroon ka?