Task Force Sampaguita: Quezon City LGU laban sa 10,000 kaso ng child labor
ARTICLE: ANDREA SHAYNE GARCIA | DECEMBER 16, 2023
PHOTO: RAPPLER
Isang batang lalaking naglalakad habang may bitbit na isang sako sa kaniyang balikat. | via Andrea Shayne Garcia
Imbis nasa paaralan, patuloy pa rin dumarami ang bilang ng mga batang Pilipinong kumakayod sa lansangan. Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2022, pumalo sa 1.48 milyong mga bata mula edad 5 hanggang 17 taong gulang ang nagtatrabaho na. Sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga batang nagiging biktima ng child labor sa Pilipinas, paano nga ba tumutugon ang pamahalaan sa pagpapanatili ng mga kabataan sa paaralan at hindi sa lansangan?
Kung ang mga normal na bata ay malayang nakapaglalaro sa labas pagkatapos ng kanilang mga klase, iba naman ang kuwento ni Mond. Hindi malambot na kama o magagarang laruan ang naghihintay sa kaniya paglabas sa eskwela, kung hindi ang mga kasangkapan na kaniyang kakailanganin sa pagtitinda.
Si Mond, hindi niya tunay na pangalan, ay nagsimulang maglako at magtinda ng street food noong siya ay 14 taong gulang pa lamang. Bagama't maagang nagbanat ng buto, pabor ito sa kaniyang mga magulang dahil katulad ni Mond ay parehas din nila naranasan ang hirap ng buhay.
“Nag-trabaho ako sa mura kong edad dahil desisyon ko na mag-trabaho at matutong tumulong sa magulang dahil hindi sa lahat ng bagay ay may masasandalan at may mag-aalalay sayo,” ani Mond.
Ngayon ay nasa ligal na edad na si Mond at kasalukuyang nagta-trabaho sa isang fast food chain. Bagamat nakapagtapos ng senior high school, ay pinili na lamang nito na hindi magpatuloy sa kolehiyo dahil sa kahirapan.
Pagpuksa sa child labor
Nito lamang Nobyembre 4, nilagdaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. Sangguniang Panlalawigan 3201 series of 2023 (SP-3201) at Ordinance No. Sangguniang Panlalawigan 3214 series of 2023 (SP-3214) na naglalayong paigtingin ang laban kontra child labor matapos umabot sa mahigit 10,000 na kaso ang naiulat sa lungsod.
Nakapaloob sa SP-3201 ang paglulunsad ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) na kung saan bibigyan ng mga serbisyong katulad ng job referral at emergency employment ang mga mahihirap na pamilya upang mapigilan ang mga bata na mag-trabaho sa murang edad. Ang lungsod sa pamamagitan ng programang ito ay nakatakda ring magbigay ng social protection para sa mga batang naging biktima ng child labor.
Task Force Sampaguita
Ang pagdami ng mga batang nagtitinda ng sampaguita sa Lungsod ng Quezon ay ang isa sa ikinababahala ni Belmonte. Kaya naman binuo ng mayor, bilang Chairperson, ang Task Force Sampaguita (TFS) o ang Quezon City Inter-agency Task Force for the Special Protection of Street Children and Child Laborers nitong Setyembre 9 sa pamamagitan ng Executive Order No. 41 series of 2022.
Pangunahing layunin ng TFS na masugpo ang child labor at ma-protektahan ang mga bata sa kalsada sa pamamagitan ng pagbuo ng local action plan at iba pang lokal na mga polisiya para sa epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 9231 o mas kilala bilang “An Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child.”
Kahirapan ang tunay na kalaban
Sa social media, inspirasyon kung ituring ng publiko ang mga batang nagbubuhat ng kilo-kilong kahoy sa bundok pati na ang mga batang nagtutulak ng kariton sa lansangan.
Datapwat ‘mulat sa reyalidad ng buhay’ kung tawagin ng iba, hindi naman ito ‘kamulatan’ kung hindi dulot ng kahirapan.
Sa panayam ng Twinkle noong Nobyembre 28 kay Quezon City Child Labor Focal Person Matthew Valdeavilla, sinabi niya na ang child labor ay “produkto ng kahirapan.”
"May mga substantial din na dahilan na bata mismo ‘yung dumidiskarte kasi gusto nilang magkabaon, magka-cellphone o tablet. ‘Yung iba naman may sakit ‘yung magulang or ‘yung guardian, so kadalasan ito talaga ‘yung mga dahilan pero kung titingnan mo kahirapan talaga di ba," ani Valdeavilla.
Kasalukuyan nang iniimbistigahan ng task force, kasama si Valdeavilla, ang Worst Form of Child Labor (WFCL) at Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) o ang paggamit ng mga bata sa paggawa ng malalaswang larawan o videos na ibinibenta sa mga pedophile.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children's Month, inilunsad naman ni Belmonte, kasama ng World Vision Development Foundation sa pamamagitan ng Project Against Child Exploitation (ACE) ang Zero Child Labor Campaign na naglalayong magsimula ng mga lokal na kilusan sa mga local government units (LGUs) noong Nobyembre 15.
Sa taong 2028, hangad ng gobyerno na maging child labor-free ang Pilipinas. Sa pag-abot nito, isang malaking hamon sa pamahalaan kung paano nito hihikayatin ang mga kabataan at mga biktima ng child labor na maglaro at mag-aral kaysa magbanat ng buto sa ilalim ng kahirapan at kawalan ng karapatang makapamuhay nang tama.