BEEKO

BY PAMELA JENN L. AMPARO | NOVEMBER 17, 2023

Illustration by Darren Waminal

Sino po ba ang dapat sisihin ko?

Sabi naman ho ni Mama gifted daw ako

Eh bakit nahihirapan lagi sa akin si Ma’am?

Ano raw ang “ham?” Sabi ko, “Ate ko ho ‘yon — Ate Pam.”


Mahusay daw ako sa matematika

Semplang nga lang daw po sa pagbabasa

Ang hirap naman nito!

Ang kaya ko lang ho ay magbenta ng biko


Matuto raw ho ako mangarap

Upang makaahon sa buhay na puro pahirap

Tingin ho siguro nila, wala ako no’n

Mayroon ho! Mayroon!


Gusto ko hong lumipad

Sana nga lang ay matupad

Ang maging isang poging piloto

Ngunit parang mangyayari lang po kapag nanalo si Mama sa lotto


Naiinggit ho akong lubos

Sa mga kaklase kong malimit fresh ang pulbos

Sabi ho kasi nila chicken daw ang hapunan nila

Eh ako? Nahihiya akong magtanong kay Mama


Sana bukas ay marunong na ho akong magbasa at umintindi

Para maiyabang kong may bahay kaming matindi

Singtaas ng bahay ng kaklase

Dasal ko ho ay sana hindi maiwan sa ere


Hay! BILI NA HO KAYO SA’KIN NG BIKO!

UUWI NA HO AKO!

© 2023 Twinkle PUP iCommunicate Volume 26. All rights reserved.