Pagkabilang ng tatlo,
Balik tayo sa paborito mong laro
BY CHLEA FATE MARCO | DECMBER 9, 2023
Graphics: Renzo Cabitlada
“Pagbilang ‘kong tatlo, nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo!”
Isa ‘yan sa mga linyang kinalakihan natin tuwing tayo ay nakikipaglaro sa kalye. Kasabay ng mga linyang ito ang alaala ng ating masasayang karanasan ng ating kabataan habang nakikipaglaro sa labas tuwing hapon.
Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, tila unti-unti na rin nabaon ang mga alaalang ito sa limot. Kung babalik ka sa nakaraan, kung saan hindi pa uso ang mobile games, maalala mo pa kaya ang mga larong kalyeng iyong kinalakihan?
Narito ang ilan sa mga larong kalye na tiyak ay minsang naranasan mong laruin! Sabay-sabay nating balikan ang mga larong nagpapawis, nagpauwi sa atin ng dis-oras ng gabi, at naging dahilan ng sakit ng ulo at sermon ni mama.
Langit Lupa
“Langit lupa impyerno, im-im-impyerno. Saksak puso tulo ang dugo, patay buhay alis ka na dyan!”
Mga batang nakatayo sa “langit” habang naglalaro ng langit at lupa. Photo: Steemit
Isang simpleng larong kalye ang Langit-Lupa na may iisang layunin: kailangang habulin ng taya ang ibang manlalaro para ipasa ang pagka-taya sa mga kalarong nasa ‘lupa’ o ang patag na daan na mas mababa ang lebel.
Para maiwasang mataya, kailangan mong umakyat sa mas mataas na tapakan kesa sa lupa, na tinatawag namang ‘langit.’
Hindi pwedeng tayain ang mga kalarong na sa langit. Mayroon lamang lima o hanggang sampung segundo ang pwedeng itagal para manatili sa langit, kundi ay pwede ka nang tayain ng taya kahit sa langit ka pa nakatapak.
O, para sa mga laging taya at natataya, bawal ang pikon ha!
Tumbang preso
Isa ka ba sa naging tagahanap ng gamit na lata ng gatas o sardinas para makapag-laro ng tumbang preso? O isa ka ba sa mga umuwi na isang pares na lang ang tsinelas dahil sa ibabaw ng bubong mo naihagis ang isa?
Mga batang naglalaro ng tumbang preso. Photo: Retro Pilipinas
Kapag nakakita ka sa kalye ng lata at maraming kabataang nakalinya ay hudyat na dapat tumabi ka na, at baka matamaan ka pa ng lumilipad na tsinelas.
Dalawa lamang ang gamit na kakailanganin sa paglalaro ng tumbang preso: tsinelas bilang ‘pamato’ at ang lata na kailangan mong tamaan gamit ang pamato.
Ang tawag sa taya ay preso. Bago siya magkaroon ng kakayahan na mailipat sa iba ang pagka-taya, kailangan patumbahin ng ibang manlalaro ang lata gamit ang kanilang pamatong tsinelas.
Kapag naitumba ang lata, kailangan maitayo ito ng preso bago habulin ang ibang manlalaro. Dapat makuha nila ang mga tsinelas na kanilang ibinato at makabalik sa loob ng linya bago sila mataya ng preso.
Kaya galingan mo sa pagbato at pagbawi ng tsinelas. Tumakbo nang mabilis para hindi ka mataya pagkatumba ng preso!
Tagu-taguan
Mga batang naglalaro ng tagu-taguan. Photo: Sugbo Ph
Sa paglalaro nito, kailangan lang ng isang taya na kakanta ng: “Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap, pagkabilang ko ng tatlo nakatago na kayo, isa, dalawa, tatlo!”
Habang kumakanta ang taya ay kailangan magtago ng iba. Maipapasa lamang ng taya ang kaniyang pagka-taya kapag nahanap na niya ang lahat ng nakatago. Ang huling makakabalik sa pwesto kung saan nagbilang ang taya ang siyang magiging panibagong taya.
Mas maganda itong laruin kapag gabi kung saan mas mahirap ang hanapan. Maiisahan mo pa ang taya dahil sa madilim na paligid!
Patintero
Pabilisan at paliksihan naman ang labanan sa larong patintero. Kailangan mo lang umiwas sa mga nakabantay na taya para ipanalo ang laro.
Mga batang naglalaro ng patintero. Photo: Certified Geek Wordpress & INQUIRER.net
Binubuo ng dalawa o hanggang tatlong grupo ang laro. Hindi tulad ng naunang mga laro, hindi lang isa, kundi dalawa, tatlo, o depende sa bilang ng grupo ang magiging mga taya.
Kinakailangang gumuhit ng parisukat sa sahig na may tatlo o apat na hati. Sa mga linya ng parisukat lamang pwedeng tumayo at magbantay ang grupo ng mga taya. Habang ang ibang manlalaro naman ay nasa loob ng parisukat na tinatawag na base.
Kinakailangang makatawid sa kabilang dulo ng base nang hindi nahahawakan ng mga bantay. Pwedeng isa-isa ang pagtawid o maramihan. Pagdating sa kabilang dulo, kailangan muling bumalik ng isang manlalaro sa pinagmulan na pwesto habang iniiwasan pa rin ang mga taya upang mabuo ang puntos.
May iba’t ibang bersyon ang laro. Pwedeng magpalit ng role o tungkulin ang mga manlalaro kada may isang matataya. Sa ibang bersyon, mayroon namang time limit para makamit ang mga puntos.
Pero kahit na maraming bersyon ang larong patintero, isa lang naman ang dapat tandaan ng mga manlalaro: kailangan mong lituhin ang kaharap mo para makaiwas at makapunta sa patutunguhan mong panalo.
Chinese Garter
Photo: The Urban Roamer
Photo: The Lifestyle Avenue
Mga batang naglalaro ng chinese garter. Photo: Dominic Meily
Mahabang tali man o pinagtagpi-tagping goma ay pwedeng gamitin sa larong ito. Sa chinese garter, may dalawang tao na hahawak ng magkabilang dulo ng garter. Kailangan lamang tumalon para makalagpas sa kabila.
Pataas nang pataas ang kailangan talunin kaya naman sa mga hindi makakatalon, huwag mag-alala dahil ang mapipiling Mother ng grupo ay may kakayahan na isalba ang lahat. Pero, kailangan tandaan ang golden rule ng laro: ‘dead mother, dead all.’
Na-miss mo ba ang mga larong kalyeng nabanggit? Anong paboritong laro ang binabalik-balikan mo noon tuwing hapon? Ayain mo na ang barkada dahil hindi pa huli ang lahat para bumalik sa pagkabata, basta’t wag lang magpapagabi ha at baka mapagalitan ka ni mama!