"Relihiyosong Batas": Mga menor de edad ng SBSI, ipinapakasal para sa ‘kaluwalhatian’

BY CARLO CABANLIT | NOVEMBER 06, 2023

Photo: Angie De Silva/ Rappler

Pagsisiwalat ng mga dating miyembro ng SBSI sa mga mapang-abusong gawain ng di umanoy “kulto” noong ika-28 ng Setyembre sa isinagawang imbestigasyon sa senado. | via Carlo Cabanlit

Malaking bahagi ng pag-aaral, kaalaman, at pakikisalamuha sa lipunan ay nauukit sa paglahok sa iba’t ibang organisasyong may layuning pag-isahin ang mga damdamin at isipan ng bawat kasapi. Habang bata, nahuhubog na ang kakayahan ng mga kabataan sa iba’t ibang larangan na nagpapatibay ng kanilang angking husay at abilidad. Dahil ito sa pakikitungo at nabuong mga ugnayan sa loob ng grupong kanilang kinabibilangan.


Bagama't nagpapakita ng pagkakaisa at hangaring maabot ang magagandang mga layunin para sa organisasyon, paano tayo nakasisiguro na ligtas, etikal, at makatarungan ang pagsali sa mga samahan?


Sa Surigao Del Norte, laman ng bawat balita ang Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI), isang organisasyon na may layuning palakasin ang komunidad sa pamamagitan ng bayanihan. Pinamumunuan ito ng kanilang pangulo na si Jey Jence Quilario, o mas kilala bilang "Señor Agila”. Binubuo ng 3,650 na miyembro ang grupo kung saan halos 1,600 dito ay mga menor de edad.


Kinumpirma ng Commission on Human Rights (CHR) noong Setyembre na may mga kaganapang lumalabag sa karapatang pantao sa loob ng SBSI. Ito ay matapos buuin ni CHR Director Atty. Jasmine Regino ang Task Force Kapihan na siyang nanguna sa imbestigasyon sa umano'y "kulto sa Surigao".


“The Task Force was there for 5 days [...] We found out initially based on the interviews with the children, there was forced marriage, there was also a denial or violation of the right to education, there was a violation on the freedom of movement of these people,” ani Regino.


Karapatan sa edukasyon


Edukasyon ang isang kayamanan na kailanman ay hindi mananakaw sa kung sino man. Isa ito sa mga susi upang maabot ang minimithing mga pangarap tulad ng makatulong na suportahan ang sariling pamilya.


Sa kabila nito, mahigit 800 na mga estudyanteng kasapi ng SBSI ang natigil sa pag-aaral matapos umanong pagbawalan ang mga ito na lumabas sa sitio base sa isinagawang pagdinig ng Senado. Ayon kay Surigao Schools Division Superintendent Dr. Kalen Galanida, taong 2019 pa nila sinusubukang hikayatin ang mga bata na pumasok sa paaralan sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS). Dagdag pa rito, mataas din ang bilang ng mga guro na umalis sa trabaho o ‘di kaya’y nag-retiro buhat ng sistema sa loob ng organisasyon.


"Despite our extensive interventions, they have actually decided to leave the school, as well as our teachers. In School Year 2020-2021, 150 ALS learners, whose families are 4Ps beneficiaries, have expressed their intention to enroll.”


Kinuwestyon naman ni Senator Ronald "Bato" Dela Rosa ang desisyon kung bakit kailangang dalhin pa ang ALS sa mismong sitio. Giit ni SBSI Vice President Mamerto Galanida, ang pinakamalapit na paaralan mula sa Sitio Kapihan ay tatlong kilometro pa ang layo kaya hirap makapag-aral ang mga bata.


Baluktot na sistema at paniniwala


Bukod sa kultura ng SBSI na bayanihan, pinapayagan din nila ang child marriages at panggagahasa ng mga asawang lalaki sa kanilang menor de edad na mga asawa, ito’y bunsod ng kanilang matinding paniniwala na “makamit ang kaluwalhatian.”


Patunay ang pahayag ng dating miyembro ng SBSI na si alyas Jane, matapos ang isinagawang joint Senate hearing sa pangunguna nina Dela Rosa at Sen. Risa Hontiveros noong Setyembre 28.


Aniya, 14 taong gulang pa lamang siya noong sapilitang ipakasal sa isa ring miyembro ng samahan na nasa 18 taong gulang na. Dagdag pa niya, si Agila ang responsable sa pagpapares ng mga lalaki at babae na ikakasal.


Ayon din sa dating miyembrong si Diane Dantes, kung hindi magtatalik sa loob ng tatlong araw ang bagong kasal na menor de edad, ikukulong ang mga ito sa isang kwarto at palalayain lamang matapos isagawa ang nasabing "ritwal”. Aniya, layunin nitong paramihin pa ang mga miyembro ng samahan.


Dagdag pa sa ganitong sistema, ang mga bata na tumututol ay iniuugma at pinaparusahan— kabilang ang pagpalo ng baril, paddle, at pagkukulong sa isang maliit na kubo sa gitna ng kagubatan nang walang komunikasyon sa iba pang tao. Depensa naman ng grupo, ang kanilang mga gawain ay bahagi raw ng isang "relihiyosong batas" na naglalayong makamtan ang kaluwalhatian.


Napag-alaman din na 19 sa mga batang ikinasal ay may iniindang malnutrisyon sa ilalim ng pamumuno ni Agila.


Dahil dito, inakusahan ang samahan ng iba’t ibang paglabag sa batas sa ilalim ng Section 4 kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 9208, Anti Trafficking in Persons Act of 2003; paglabag sa RA 11596, Act of Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties in Violation at RA 7610, at Special Protection of Children Against Abuse Exploitation and Discrimination.


Itinanggi naman ng mga lider ng SBSI ang mga alegasyon laban sa kanila, at naniniwala sila na wala umanong nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa kanilang komunidad.


Sa kabilang banda, tinapos na ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation ukol sa mga reklamong isinampa sa 13 na miyembro ng SBSI noong Oktubre 20.


Ang mga reklamong isinampa laban sa SBSI ay qualified trafficking, kidnapping, at serious illegal detention kasama na rin ang violation of Republic Act. 7610 o ang Anti-Child Abuse Law.

© 2023 Twinkle PUP iCommunicate Volume 26. All rights reserved.