Say ng Gen Z:
Mag-aanak ka pa ba in this economy?
BY ANDREA SHAYNE GARCIA | NOVEMBER 10, 2023
Layout by: Renzo Cabitlada
Mga teh, ang mahal na nga ng bilihin, ang hirap pa maghanap ng trabaho. Keri pa ba?
Hindi na bago sa ating pandinig ang kabi-kabilang suliraning pang-ekonomiya na kinakaharap ng ating bansa. Mula sa paglobo ng P14.35 trilyong utang ng Pilipinas na ipinagsawalang bahala ni Pangulong Marcos sa kanyang nagdaang State of the Nation Address (SONA) hanggang sa pagpalo ng inflation rate sa 6.1 percent noong buwan ng Setyembre, nagdulot ito nang patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa bansa. Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, 4.4 percent ng mga Pilipino ay unemployed. Dahil dito, hindi na lamang math problems at sandamakmak na readings ang naghihintay na problema para sa mga Generation Z (Gen Z). Biruin mo ‘yun, wala ka pang anak, pero may utang na ang apo mo?
Bukod pa sa aspetong pang-ekonomiya, mahigpit din na binabantayan ang kalagayan ng ating kalikasan. Matatandaan noong nakaraang taon, naging kontrobersyal ang isinagawang protesta ng NASA climate scientists kasama ang iba pang mga alagad ng agham mula sa iba't ibang bansa, kung saan binigyang-diin ang patuloy na paglala ng climate change sa buong mundo at ang kakulangan sa aksyon ng estado tungkol dito.
At tayo, bilang parte ng Gen Z at Generation Alpha ang lubos na maaapektuhan kung patuloy na mananatili ang mga nabanggit na problema.
Sa kabila ng mga suliraning ito, kakayanin pa kaya ng Gen Z ang pagtanggap sa responsibilidad ng pagbuo ng sariling pamilya? Sa ating panayam sa mga mag-aaral ng PUP, kanilang ibinahagi ang kanilang opinyon tungkol dito. Ano nga kaya ang say ng Gen Z? Mag-aanak pa kaya sila in this economy?
Nathaniel Vizconde, BAJ 2-1N
"Oo, dahil pag-ibig ang rason na lagi sa akin nagpapaalala ng kagandahan ng pag-aanak sa kabila ng mga posibleng hamon sa hinaharap. Sabi nga nila, iba raw ang pagmamahal na ibibigay mo sa anak mo kumpara sa pamilya't magiging asawa mo. Gusto kong maramdaman 'yon at maiparamdam.
Maaaring naging salik sa desisyon ng Gen Z na hindi pag-aanak ang mga hindi magandang karanasan nila mula sa sariling pamilya. Katulad na lamang ng mental health problem na dulot ng hindi maaayos na sitwasyon sa loob ng pamilya at kahirapan (kakulangang pinansyal). Kung ako ay magiging isang ama, sisikapin kong ibigay ang lahat ng kanyang kagustuhan, hindi lang pangangailangan."
Allie Buniel, BSTM 3-1D
"I'm still looking to have a family in the future. It's simply because I still want to be a mother and a wife.
I think big factor ang economy talaga, like yung taas ng bilihin at baba ng employability rate. Kaya sana tumaas ang employability rate ng PH na may sapat at deserve na minimum wage para kahit papano ay makasabay ang kinikita sa bilihin. When it comes to the society naman, social media, mental health issues, and yung environment na kinalakihan ng mga Gen Z. 'Di basta-basta ang bumuo ng family, 'di lang sarili mo ang iisipin but your whole family, pati ang future ng mga taong makakasama mo. If ever na may mga bagay na hirap ka pa lang ibigay sa sarili mo, what more pa sa magiging anak mo?"
Christian Abner Manzo, BAPR 4-2D
"Wala sa plano ko ang magka-anak. Sa panahon ngayon, kahit isang anak ay mahirap nang tustusan. Isa pa, magiging makasarili lang ako kung nanaisin ko pang bumuo ng anak sa gitna ng bansang lugmok na sa utang at kaliwa't kanang price hike.
Maliban sa aspetong pinansyal o ekonomiko, isa pa sa tingin kong salik na nakakaapekto sa opinyon ng mga Gen Z tungkol sa pagkakaroon ng pamilya ay ang emosyonal at mental nilang kapasidad. Maraming Gen Z ngayon ang self-aware at naniniwalang kinakailangan muna nilang i-"heal" ang kanilang childhood trauma upang maging mabuting magulang at hindi maiparanas sa kanilang magiging anak ang emosyonal at mental na hirap na pinagdaanan nila sa kanilang paglaki."
Samantha Sial, BSOA 1-3D
"For now po, ayoko po kasi ngayon na nagiging aware na kami kung ano yung dapat isaalang-alang kapag mag-aanak and napakalaking responsibility po kasi ang pagkakaroon ng anak.
Dapat physically, mentally, financially ready ka when it comes to parenthood. Napakalaki ng naging epekto non (pagtaas ng bilihin) lalong lalo na noong nagkaroon ng pandemic kasi naranasan at doon natin narealize kung gaano kahirap magkaroon ng pamilya lalong lalo na sa ganitong ekonomiya."
Vishnu Wyatt Magana, BSPsy 2-3
"As of now, wala, kasi studying plus iniintindi pa yung future para maging established. Syempre ang pagpapamilya kailangan ng pagsupport sa basic needs, at syempre kapag magsusupport ka ng basic needs kailangan mo ng pera like may proper job ka.
Kaya mahirap magkaroon ng pamilya sa ngayon sa bansa natin dahil 'yung ekonomiya hindi established. Kung hindi established 'yung ekonomiya, paano matutulungan ng bansa natin yung mga taong nasa laylayan?"
Shaeka Madel Pardines, BAPR 4-1D
"Ang paghahangad ng pamilya o anak ay isang personal na desisyon at subjective, hindi siya requirement, at hindi ito ang magbibigay ng pagkakakilanlan sa isang babae. Sa kasalukuyan, wala pa akong balak na magkaroon ng pamilya o magka-anak dahil mayroon pa akong ibang mga bagay na kailangan pagtuunan ng pansin.
Ilan sa mga salik ay ang mga aktwal ng karanasan sa buhay; naghihirap na estado ng ating bansa, pagtaas ng mga bilihin, nakakabahala ang pagbabago ng klima, at idagdag mo pa ang samu't saring giyera o kaguluhan na nangyayari sa buong mundo. Kung mahirap na ngang mabuhay, mas mahirap pang magbuhay ng anak, lalo na’t kung wala sa plano."
Nikka Gabrielle Boral, BSBA-MM 1-1N
"Sa ngayon, wala po kasi gusto ko lang i-enjoy at tsaka natatakot po ako magbuntis at manganak.
Kung 'yung economy natin mababa, mas nakakaapekto talaga 'yun. Siguro isa rin na iniisip is 'yung sa sarili ko mismo, na hindi ko alam kung mapapalaki ko ba nang maayos [yung bata] dahil sa inflation at dami ng bilihin."