UN: Mahigit 60,000 bata sa Pilipinas ang namamatay bago mag-limang taon
BY STELLA MAE MARCOS | NOVEMBER 27, 2023
Photo: Smart Parenting
Sa 2021 ulat ng UN, mahigit 60,000 batang Pilipino ang namamatay taon-taon bago ang kanilang ikalimang kaarawan dahil sa mga komplikasyon bago ipanganak at nakakahawang sakit. | via Stella Mae Marcos
Sa higit 25,000 sanggol na ipinapanganak kada taon, ang Pilipinas ang itinuturing na may pinakamataas na fertility rate sa buong Asya. Isang biyaya mula sa Diyos kung ituring ng mga Pilipino ang pagdadalang-tao, paano kung ang biyayang ito ay mawala nang maaga dahil sa nakaambang panganib sa paligid?
Ayon sa datos ng United Nations Inter-Agency Group for Child Mortality Estimation (UN-IGME), noong 2021 mahigit 60,000 na bata sa Pilipinas ang namatay bago ang kanilang mga ikalimang kaarawan. 60% dito ay mga sanggol na habang nasa sinapupunan ng kanilang mga ina ay hindi nakaranas ng maayos at kalidad na pangangalagang pangkalusugan at nutrisyon.
Problema sa kalusugan at kaligtasan ang pangunahing kondisyon na naglalagay sa mga batang Pilipino sa sitwasyong maaaring magdulot ng kapahamakan at kamatayan sa kanilang murang edad.
Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), noong 2021, isang bata ang namamatay kada 4 na segundo dulot ng hindi inklusibong healthcare system sa iba’t ibang bansa.
“Tragically, many of these deaths could have been prevented with equitable access and high-quality maternal, newborn, adolescent and child healthcare,” ani UNICEF Director Vidhya Ganesh.
Estado ng mga ina at sanggol
Ayon sa Department of Science and Technology - Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), halos 38% ng mga batang ina o isa sa bawat apat na buntis na kababaihang Pilipino ang nagsisilang ng sanggol na mababa ang timbang, may sakit o komplikasyon, o may mabagal na paglaki.
Hindi rin sapat ang suportang natatanggap ng mga kababaihang buntis upang makakain ng masustansya, na siyang pagmumulan ng nutrisyon ng bata. Dagdag pa rito, ayon sa UN, 5.4% ng mga babaeng buntis sa pagitan ng edad 15 hanggang 19 ay madaling tamaan ng mga sakit tulad ng malnutrition, preeclampsia, at anemia na maaaring magdulot ng peligro sa batang kanilang dinadala.
Sa kadahilanang ito, noong 2018 ay ipinasa ang Republic Act 11148 or "Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act" upang matugunan ang kaso ng malnutrisyon sa mga kabataang nagbubuntis at para matutukan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga sanggol sa kanilang unang isang libong araw mula pagkasilang.
Makalipas ang limang taon, mariin pa rin ang panawagan ng UN sa bansa para sa epektibo at kagyat na kalidad at libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga buntis at sanggol. Kabilang dito ang ilang mga serbisyo na sumusuporta sa paglaki ng bata tulad ng libreng gamot at bakuna.
Buhay ng kabataang Pilipino
Hindi natutuldukan ang kalingang dapat ibigay sa bata pagkatapos nitong isilang. Kasama sa karapatan nila ang karapatang mamuhay sa malinis, may sosyal na proteksyon, at ligtas na lugar. Sa lipunang kahirapan ang araw-araw na kalaban, ang mga bata ang pinaka nagdurusa dahil sa mga komplikasyong ito.
Ayon pa sa UNICEF at World Bank noong 2022, 12.4% na kabataang Pilipino ang lugmok sa kahirapan at walang sapat na kakayahang makakain ng tatlong beses sa isang araw dahilan upang maapektuhan ang pag-unlad ng kanilang pisikal at intelektuwal na kakayahan.
Ang mga batang ito ay anak ng mga manggagawang minimum wage earner o nakaasa sa arawang sweldo. Ang pagtaas ng presyo ng bilihin at limitadong mapagkukunan ng badyet ang pumipigil sa pagbili ng mga pamilyang ito ng masustansyang pagkain.
Bukod sa pagkain, pangunahing sanhi rin ang kakulangan sa sanitasyon. Apat sa 10 Pilipino, o 37% ng populasyon, ay walang akses sa malinis na paliguan, palikuran, at inuming tubig. Dahil dito, mga sakit sa tiyan tulad ng kolera, dysentery, typhoid fever, impeksyon sa bituka dulot ng bulate, at polio ang karaniwan nakukuha ng mga bata. Pinapalala nito ang pagkabansot at pagkalat ng impeksyon na maaaring humantong sa kamatayan kung hindi maaagapan.
“Children are 20 times more likely to die from diseases due to unsafe water, sanitation, and poor hygiene practices,” sabi ng Save the Children Philippines CEO Albert Muyot.
Mga kabataan sa Mindanao
Nakababahala rin ang seguridad at buhay ng mga bata sa timog na bahagi ng bansa. Nananatili ang Mindanao sa pinaka apektadong rehiyon sa Pilipinas kung saan 83% ng mga kaso ang napatunayang may paglabag sa karapatang pantao, partikular na ang mga katutubo at kabataan mula sa hilagang Mindanao at Davao. Karamihan sa kanila ay takot sa marahas na pagsabog, pagdukot, sapilitang pagsama sa armadong labanan, at pyudal na pagpatay.
"Lagi akong natatakot, patuloy kaming lumipat ng bahay dahil sa clan wars. Sa tuwing dumaraan ang malalaking sasakyan, natatakot ako na isa na namang armadong pag-atake,” saad ni Aisah, 16 taong gulang mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa huling datos, 115 na bata ang nakaranas ng karahasan sa lalawigan; mas mababa ito kumpara sa 331 noong 2019. Subalit 67 sa 115 na kaso ang napatay, 19% o mahigit 23 sa mga ito ay wala pa sa limang taong gulang.
Ang pagpatay, pananakit, pagsapi sa kilusan, at pag-atake sa mga paaralan at ospital ay ilan lamang sa mga marahas na karanasan ng mga bata sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Ang mga engkwentro ay iniuugnay diumano sa New People’s Army (NPA) na kasalukuyang may 47 na kaso at sinusundan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong 21.
Ang bilang na ito ay kumakatawan lamang sa mga nakumpirma at naiulat na mga kaso. Marami pang kabataan ang sumasailalim sa iba’t ibang anyo ng pang-aabuso at karahasan na hindi nabibigyang-pansin at patuloy na nagtatago sa likod ng kadiliman.
Tugon ng gobyerno at mga institusyon
Bukod sa RA 11148, nakikipagtulungan din ang Department of Health (DOH) at ang World Health Organization (WHO) sa Korea International Cooperation Agency (KOICA) upang mailunsad ang Subnational Initiative (SNI) na layuning suportahan ang kalusugan ng mga ina, sanggol, at bata sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitang pang-medikal partikular sa mga mahihirap na komunidad.
Sa ikatlong taon ng SNI, nakita na mayroong positibong epekto o resulta ang naturang programa. Sa Aklan, 94% ng buntis na nakabisita sa doktor ay nanganak nang walang komplikasyon.
Samantala, tuluyan namang nilagdaan ng AFP at ng UN ang paggawa ng mga polisiyang may layuning protektahan ang mga bata mula sa mga armadong tunggalian kabilang ang Strategic Plan to Prevent and Response to Grave Child Rights Violations in Situations of Armed Conflict.
Nitong Nobyembre 23, sinimulan ng Bangsamoro, KOICA, at UNICEF ang ilang mga programang susuporta sa mga sanggol, kabataan, at kababaihan mula sa Maguindanao, South Maguindanao at Cotabato na apektado ng mga labanan.
Ayon kay UNICEF Philippines Representative Oyunsaikhan Dendevnorov, ang programa ay magpapaabot ng mga serbisyo para sa kalusugan, nutrisyon, proteksyon, at alternatibong sistema ng pag-aaral na naglalayong mapalakas muli ang kumpyansa ng mga bata sa Mindanao.
“Every child everywhere deserves peace. When peace reigns in a community, children can play, go to school, seek healthcare, and grow up with adults that nurture and care for them,” ani Dendevnorov. “Addressing the roots of conflict and fragility and promoting the meaningful engagement of children and young people are the first steps in building lasting peace.”